Konsistensi

Ang Ikaanim na Memo para sa Bagong Milenyo (By Virgilio S. Almario)

Noong 1984, naimbitahang bumasa ng Charles Eliot Norton Lectures sa Harvard University si Italo Calvino. Anim na lektura ang ipinlano ni Calvino at tumatalakay ang bawat isa sa isang unibersal na katangian at bukal ng aliw ng panitikan. Pinamagatan niya ito sa Ingles na Six Memos for the Next Millennium. Sinimulan niyang sulatin ang mga panayam noong Enero 1985 at natapos na niya ang lima noong Setyembre 1985 nang patungo na sila ng kaniyang asawa sa Estados Unidos. Balak niyang tapusin ang ikaanim na lektura, ayon sa kaniyang asawang si Esther Calvino, sa pagitan ng pagtalakay sa natapos niyang lima. Sa kasawiang-palad, namatay siya sa bisperas ng kaniyang paglalakbay patungong Harvard University. Naisalin na noon sa Ingles ni Patrick Creagh ang limang lektura hinggil sa "Lightness," "Quickness," "Exactitude," "Visibility," at "Multiplicity." Naiwang ni walang pahiwatig man lamang ang dapat sanang lamnin ng ikaanim: ang "Consistency."

Ibig kong isakatuparan ang proyekto ni Italo Calvino bilang isang makata at Filipino. Ang pag-uri sa gagawin ko bilang trabaho ng "isang makata at Filipino" ay isa ring pasubali sa sinumang maghahaka na nais kong pantayan ang limang lektura ni Calvino. Taglay din nito ang pansarili kong pagsusuri na isinakatuparan ni Calvino ang kaniyang mga lektura bilang isang kuwentista at Italyano. Kailangan ko ring ipaunawa ang pansariling agam-agam hinggil sa kakayahan ng kahit sinong makatang Filipino na tumalakay sa isang bagay na ni wala sa wika ng kaniyang tribu. Marahil, ituturing kong higit pang magaang trabaho ang muling talakay sa limang sinulat ni Calvino. Matagal ko nang naituturo ang mga ito at angkop na angkop itanghal sa bisa at mahika ng ating katutubong talinghaga.

Ngunit konsistensi?

Nagsasalungatan bukod sa pabago-bago ang ating mga batas at tuntunin. Kaya higit nating kailangan ang maraming abogado kaysa alagad ng batas. At lalo namang mahirap hulaan ang pamantayan nating pangmoralidad. Kinokondena ng Simbahang Katoliko ang sugal ngunit nakabukas ang palad ni Cardinal Sin para tumanggap ng abuloy mula sa kita ng casino. May binibigyan ng pribilehiyo sa bawat paghihigpit; may "maliban sa" ang bawat pagbabawal.

Kaya wala yatang salita tayo para itumbas sa Ingles na consistency. Isang aspekto ng kabuluhan nito ang tinatawag nating "pirme" ngunit korupsiyon lamang ito ng salitang "firmeza" mula sa Espanyol. Maaari nating gamitin sa bagay na ito ang katutubong "tatag," gaya sa "tatag ng kalooban" upang sumalunga sa anumang panganib at hindi matinag ng anumang sakit at pasakit.

Ngunit ang konsistensi sa panitikan ay higit na interesado sa patuloy na pag-akda sa loob ng mahabang panahon o sa walang-pagbabagong pagsusulong sa isang mataas na pamantayan ng paglikha. Isang katangian itong tiyak na salungat sa nakamihasnan nating "ningas-kugon" at sa malimit na pagpapaubaya natin sa "bahala na." Konsistent tayo paminsan-minsan, ngunit sa konsistent na paglihis sa tuntunin at konsistent na paggamit ng mababa o pinababang pamantayan, gaya ng pangyayaring konsistent ang public works sa paglalatag ng sementadong lansangan na madaling masira.

Subalit ibinabantayog natin bilang pamantayan sa kadakilaan ang dalawang pambansang bayani na kapuwa huwaran sa konsistensi sa loob at labas ng panitikan. Hinubog nina Jose Rizal at Andres Bonifacio ang kanilang buhay sang-ayon sa tuntunin at patakarang nakasaad sa kanilang mga akda kaya angkop na angkop sa kanila ang pagsusuri ng panitikan bilang talambuhay at ang simulain sa pagsulat bilang salamin at pagtatanghal sa interes, mithi, at karanasan ng manunulat. Kahit ang kanilang magkatulad na wakas bilang mga martir ay tila magkasunod na hakbang ng pagsulong sa landas ng paglaya: ang una bilang mohon sa tugatog ng Kilusang Propaganda, at ang ikalawa bilang dambana sa "di-tapos na himagsikan" ng Kataas-taasan at Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan.

Para kay Rizal, konsistensi ang paghahangad lagi ng pinakamatayog na mithiin at pagsisikap na makamit ito. Ito ang diwa ng tinatawag na excellence sa Ingles. Kaya bata pa'y waring saklot ang kaniyang katauhan ng isang matinding uhaw sa edukasyon upang maigpawan ang mapangmaliit na tingin ng mga kolonisador at mapatunayan sa daigdig ang talino't husay ng mga Filipino. Mababanaag sa kaniya mismong talaarawan ang katumbas na pagpapakasakit at disiplina upang makamit ang mga pansariling lunggati. Basahin muli ang kaniyang mga alaala at matutunghayan na malaking bahagi nito ang mga sakripisyo sa pag-aaral at pagdukal ng karunungan. Narito ang isang bahagi ng paglalarawan niya sa karaniwang buhay niya bilang isang estudyante at unang mawalay sa pamilya:

Kasama nila akong kumakain at pagkatapos ay nag-aaral ako. Pumapasok ako sa ikadalawa at umuuwi sa ikalima ng hapon, nakikipaglaro ako sa ilang mabuting pinsan at pagkaraa'y bumabalik na ako sa bahay. Pinag-aaralan ko ang aking aralin, gumagawa ako ng tau-tauhan at naghahapunan ng isa o dalawang pinggang kanin, at isang ayungin. Nagdarasal ako at kung maliwanag ang buwan ay inaanyayahan ako ng ilang kaibigang mag-laro sa lansangan na may kasamang iba pa. Salamat sa Diyos, at kailanma'y hindi ako nagkasakit noong ako'y malayo sa aking mga magulang.

Waring natural na natural kahit sa batang si Rizal ang salitang "mag-aral." Kaya tila "aral-kain-aral-tulog" ang siklo ng kaniyang araw bilang kabataan at sadyang maituturing na aliwan ang nasisingit niyang araw ng pagliliwaliw, pag-uwi sa Calamba, at pagdalaw sa kamag-anak.

Kaugnay nito ang paglasap sa karunungan na tila pagkaing dapat namnamin at tamasahin. Mahalaga para sa kaniya ang papel ng kaniyang mga naging guro tungo sa gayong pananabik sa bawat kurso o klaseng pasukan. Kaya pinupuri niya ang mga paring maestro na nagpagiliw sa kaniya sa isang aralin at sinisisi naman ang paring maestro na nagkulang sa gayong tungkulin. Isang nasasabik ngunit pihikang estudyante lamang ang makasusulat ng ganitong pagtatangi sa kaniyang mga asignatura sa ikalimang taon:

Ang pilosopiyang matuwid, mahigpit, na sumusuri ng bakit ng mga bagay-bagay ay nakatawag din ng aking kaloobang katulad ng tulain, na walang kasingganda, nakikipaglaro sa mga panghalina ng kalikasan at nag-iiwan ng bakas na ang inihihinga'y kadakilaan at kalambutan. Ang pisika, humahawi ng lambong na bumabalot sa maraming bagay ay nagpakilala sa akin ng isang maluwang na dulaang pinag-lalabasan ng malabanal na dula ng kalikasan. Ang galaw, ang tunog, ang init, ang liwanag, ang elektrisidad, ang libo-libong bala-balaking pangyayari, ang napakagandang kulay at maseselang na kariktan ay siya kong kinawiwilihan sa mga oras na wala akong ginagawa. Ang pagdadalisay sa liwanag ay nagsadlak sa akin ng isang daigdigan ng mga hiwaga, na hangga ngayo'y hindi ko pa nalalabasan. A, kay ganda ng agham kung ang nagtuturo ay marunong magpaganda! Ang istorya natural (Kasaysayan ng Kalikasan), sa palagay ko'y hindi gaanong kaakit-akit. Bakit, ang naitanong ko sa sarili, kung totoong nakaakit sa akin ang pagbabasa ng kasaysayan , ang paglalarawan ng mga ibon at mga bulaklak, ng mga hayop at mga kristal, bakit nakamumuhisa akin ang pagkakamalas sa kanila sa isang magusot na pagka-kahanay, at nagkakasama-sama ang mga hayop na mababangis at ang maaamo? Ang mga kabibe'y totoong kinawilihan ko dahil sa kanilang kagandahan at sanhi sa nalalaman kong sila'y naninirahan sa mga dalampasigan, na siyang pinangangarap ng diwa kong walang malay, at parang nakikinita kong sa pagyapak ko sa kanila'y dinidilaan ang aking mga talampakan ng naggagandahang katas ng mga karagatan at dagat-dagatan. Kung minsan ay parang nakikita ko ang isang diyosang may isang kabibeng gaya ng nakikita ko sa estante.

Dahil sa ganitong matinding pag-ibig sa karunungan at pambihirang sigasig magtagumpay ay hindi mahirap unawain ang nakakamit niyang paghanga't paggalang mula sa mga guro't kamag-aral at ang natamo niyang mga karangalan at medalya. Sa panahon ng kaniyang kabataan, iniuwi niya ang mga ito upang ipagmalaki sa pamilya sa Calamba at lalo upang ikalugod ng ina at ipambayad sa pagtataguyod ng ama. Subalit darating ang panahon na ang naturang matayog na adhika para sa sarili ay magiging banal na aspirasyon para sa karangalan ng mga kababayan at ng bayang tinubuan. Bawat tagumpay na makamit, gaya ng tagumpay noon nina Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo sa pambansang kompetisyon ng mga pintor noong 1884, ay "luningning ng Inang-Bayan."

Sa brindis na binigkas ni Rizal upang ipagdiwang ang panalo nina Luna at Hidalgo, naging kawangki ang tagumpay ng dalawang pintor ng pangkabuuang programang repormista ng Kilusang Propaganda:

Sa pagpapahayag nilang dalawa, sa pamamagitan ng kanilang paleta, ng mga nagniningning na sinag ng araw tropiko, ang mga sinag na ito'y ginawa nilang mga sinag ng walang maliw na kaluwalhatiang ibinalot sa kanilang Inang-Bayan; kapuwa nila ipinakikila ang diwa ng aming buhay na panlipunan, ng kagandahang-asal at ng politika; ang sangkatauhang napapailalim sa mahihigpit na pagsubok; ang sangkatauhang hindi natutubos; ang katwiran at ang mithiing nakikibaka nang lantaran sa mga hina-hinala, sa bulag na pananampalataya at sa mga kabuktutan, sapagkat ang mga damdamin at ang mga kuro-kuro ay lumulusot at naglalagos sa mga lalong makakapal na pader; sapagkat para sa kanila, lahat ng katawa'y may mga singawan, ang lahat ay naaaninag, at kung wala man silang panulat, kung di man sila tinatangkilik ng palimbagan, ang paleta't mga pinsel naman nila'y hindi lamang makalulugod sa paningin kundi magiging magagaling na mananalumpati.

Sa bahaging ito ng kaniyang buhay, nakaukol ang buong sigasig ni Rizal tungo sa iisang layunin-ang luwalhati ng Inang-Bayan. Tulad ng isang maningas na kandila, inubos niya ang hininga't alab ng haraya ukol sa mga saliksik at gawaing magtatanghal sa henyong Filipino at magpapalaya sa Inang-Bayan mula sa pambubusabos ng fraile't kolonyalismong Espanyol. Masisinag sa kaniyang mga akda ang konsistent na kalidad ng intelektuwalidad na ibinuhos niya upang mapaglingkuran ang kapakanan ng Inang-Bayan hanggang kamatayan.

Mapapantayan lamang ito ng rubdob at silakbo alang-alang sa kalayaan sa buhay at pagtula ni Andres Bonifacio. Siya ang tunay na gamugamo sa pabula ng ina ni Rizal. Siya ang walang-sindak na mandirigma at makata, nakahandang sumugod sa ningas ng lampara, kung kailangan upang matubos ang Inang-Bayan mula sa di-makatarungang pananakop ng mga Espanyol. Wala tayong dokumento hanggang ngayon na makapaghihimaton kung kailan at kung paano sinaklot ng naturang rubdob at silakbo ang katauhan ni Bonifacio. Para siyang bulalakaw ng apoy sa ating kasaysayan-isang maikling lagablab sa papawirin ng ating kamalayan-na biglang lumitaw at biglang naglaho ngunit patuloy na nagpapatibok ng kagitingan sa sinumang Anak ng Bayan at ng di-matingkalang sindak sa lahat ng kaaway ng kalayaan.

Para kay Bonifacio, ang pag-ibig sa bayan ay isang puro't likas na damdamin. Ito ang simula at sukatan ng dangal ng isang tao at kaya isang malaking kahihiyang mabuhay sa isang bayang alipin ng mga dayuhan. Upat nga ni Bonifacio sa mga kababayan:

Kung ang Bayang ito'y nasasapanganib At siya ay dapat na ipagtangkilik, Ang anak, asawa, magulang, kapatid Isang tawag niya'y tatalikdang pilit. Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?Baya'y inaapi, bakit di kumilos At natitilihang ito'y mapanood?

Para kay Bonifacio, ganap lamang makararamdam ng ginhawa ang isang Anak ng Bayan kapag nagkaroon ng kalayaan ang Inang-Bayan. Ang pagbawi samakatwid sa ninakaw na kalayaan ang pangkalahatang palatuntunan ng buhay at pagsulat ng isang patriyotang tulad ni Bonifacio. Kahit ang pagbasa niya sa kasaysayan ay nakaalinsunod sa naturang programa. Balikan ang kaniyang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" na kailangang isaulo ng sinumang sumapi sa Katipunan. Isa itong kronolohiya ng Noon, Ngayon, at Bukas ng Filipinas. Sa loob ng isang unang talata, nilagom niya ang Noon bilang isang panahon ng ginhawa sapagkat malaya ang Filipinas. Maganda ang kalakalan ng Filipinas at ibang bansang Asyano, maayos ang buhay at maging ang edukasyon ng mga mamamayan, at may nalilinang na katutubong kultura. Ngunit dumating ang mga Espanyol at nilinlang ang mga Filipino sa mga pagkukunwari't huwad na pangako. Naniwala ang mga Filipino kaya't nasadlak sa isang Ngayon na hitik sa pagsasamantala ng mga dayuhan. Sa ganitong simbuyo ng pagbasa sa kasaysayan, iisa lamang ang tumpak na landas upang magkaroon ng marangal na Bukas-maghimagsik upang manumbalik ang kaginhawahan ng Noon. Kaya mariin niyang ganyak sa mga Anak ng Bayan:

Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo'y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya, at pagdadamayan. Ngayo'y panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutungtong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati'y iniumang ng mga kaaway.

Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan.

Dito ko ibig ipanukala na ang konsistensi ay higit kaysa pagpapagitaw lamang ng organisasyon at armonya, gaya ng natutuhan natin sa Anglo-Amerikanong New Criticism. Para sa mga baguhang manunulat ang gayong leksiyon. Natitiyak kong kahit si Italo Calvino ay iigpaw sa simulain ng tinatawag na kaisahan sa himig at paggamit ng wika at kahit na sa tungkuling supilin ang lahat ng salimuot tungo sa pagdudulot ng kaisahan sa pagsulat. Maituturing na isang higit na dakilang mithiin ng panitikan ang paggagap sa isang pangangailangan at ibuhos ang buhay at talino ukol sa katugunan ng naturang pangangailangan.

Sa ganitong talakay maidadambana ang sinulat ni Rizal bilang propagandista at ni Bonifacio bilang Katipunero.

Para kay Rizal, ang bawat pagsulong ay isang hinaharap na kailangang sumailalim sa malalim na paglilimi, taimtim na pagpaplano, at sistematikong pagsasakatuparan. Para kay Bonifacio, ang himagsik ay isang di-mababaling pasiya na kailangang alagaan at pasidhiin sa darang ng marubdob at masigasig na damdamin. Sa loob ng isang sitwasyong kolonyal, kapuwa radikal at mapanganib ang kanilang saloobin. Huwaran sila hindi lamang ng matatag na kalooban kundi maging ng isang uri ng palatuntunan sa buhay at pagsulat na matibay, panatag, at puspusan hanggang katapusan.

Ang ganitong mithiin sa pagsulat ay maaaring dumating kay Rizal kahit noong kabataan pa lamang. Ngunit isang mahalagang sangkap ito sa paggulang ng isang makata't manunulat. Kailangan munang mag-aksaya ng tinta't papel, dumanas ng maraming bagyo't dilim, at lumasap ng di-inaasahang aliw ang isang manunulat bago datnan ng liwanag na papatnubay sa kaniya o sasaliksikin niya habang-buhay. At mahirap hulaan kung Damascus o Kalbaryo ang magiging hantungan ng pagsunod sa naturang liwanag.

Higit na malimit itong landas sa Kalbaryo.

Dumating ito kay Amado V. Hernandez pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at tumanglaw sa kaniyang diwa habang palipat-lipat ng selda't piitan bilang bilanggong politikal. Lumabas ng Muntinlupa si Ka Amado nang may higit na sigasig isulong ang kaniyang pananalig hanggang bawian ng buhay noong Marso 24, 1970. Marahil, ang huling tula niyang nasulat ay ang bahagi ng kaniyang luksampati para sa isang namatay na aktibista at binigkas noong Marso 10, 1970 at wika niya:

Enrique Sta. Brigida at ang anim mong kasama,kalahating dosenang sakripisyo sa altar ng demokrasya, mga pinagpalang biktima na minarder ng pulisya, tinampalasan ng rehimeng pasista, pinatay ng mga berdugo ng imperyalista, dinurog ang inyong bungo ng truncheon at ng bala, ngunit buhay ang inyong kaluluwa, buhay ang inyong pag-asa at aming pag-asa, tuloy ang inyong panata at aming panata. Hindi kayo mamamatay at di kayo malilimot, sa puso ng sambayanan igagawa ng bantayog; boses ninyo'y maririnig sa lahat ng dak't sulok, gumuguhit na lintik, dumadagundong na kulog, isang higanteng nagbabalikwas na paa'y Central Luzon at ang ulo'y Sierra Madre nagsisigaw sa sinukob: "Makibaka, huwag matakot! sa inyo'y walang mawawala liban sa kadena ng pagkabusabos! Makibaka, huwag matakot! hanggang sa ang bulok na sosyedad ay bumagsak at madurog!"

Kapanahon ni Ka Amado ngunit higit na maagang dinatnan ng liwanag si Alejandro G. Abadilla. Panahon pa iyon ng Amerikano nang makaramdam siya ng suya sa naghaharing paraan ng pagsulat sa Tagalog. Walang-pakundangan niya itong hinarap upang paghimagsikan at hamakin, gaya ng paglibak niyang:

Lima't lima, Labinlima, Tulang-tula. Isa't isa Ay dalawa, Tugmang-tugma. Balarila,Tamang-tama: Walang-hiya,

Talinghagang Talipapa!

Nakatakdang dumanas ng pighati't pangungulila ang ganitong maharlikang damdamin. Noong 1932, binuksan niya ang buwanang kolum na Talaang Bughaw upang ilista at husgahan ang mga nalalathalang tula at maikling kuwento. Nagkataong napasok din siyang empleado sa Liwayway sa taong iyon. Pagkaraan lamang ng ilang buwan ay ipinatawag siya ng editor ng Liwayway na si Jose Esperanza Cruz at inusisa kung bakit umaani ng higit na maraming asterisko ang mga kuwento sa karibal nilang magasin, ang Sampaguita, samantalang sa Liwayway siya kumukuha ng ikabubuhay. Anupa't bago matapos ang 1932 ay nawalan ng trabaho si Abadilla bagaman tumagal nang apat na taon ang Talaang Bughaw.

Nakaipon ng kapanalig si Abadilla sa hanay ng mga kabataang manunulat. Noong 1935, itinatag ang Kapisanang Panitikan at kasama niya sina Clodualdo del Mundo, Teodoro A. Agoncillo, Brigido Batungbakal, Salvador Barros, Pablo R. Glorioso, Epifanio Matute, at ilan pa. Sa taon ding yaon niya biglang ipinasiya na lumipat mula sa Rosario, Cavite at manirahan sa Maynila. Ayon na rin sa kaniyang talambuhay, "walang abog-abog" na dinala niya ang asawa't dalawang anak sa lungsod at Php300 lamang ang baon sa "napipintong pakikipagsapalaran."

Hindi magluluwat at tahasang mababawasan ang Php300. Naisip nila ni Clodualdo del Mundo na maglabas ng antolohiya ng mga pili nilang kuwento. Ito ang aklat na Mga Kuwentong Ginto. Inakala nilang makalilikom sila ng panustos para maipalimbag ang kalipunan. Ngunit walang tumulong sa kanila. Wala ring salapi si Del Mundo para humati sa gastos. Sa gayon, pikitmatang inilabas ni Abadilla ang Php200 upang puhunanin sa antolohiya.

Umakit naman ng iba pang kabataang kasapi ang Kapisanang Panitikan, lalo na yaong mga nagkikimkim ng mithiing mabago ang umiiral na panitikan. Tinotoo ng kapisanan ang papuri ni Barros na isa itong "kapisanan ng mga sakdalista at aristokrata sa sangkabayanan ng mga mananagalog: sakdalista sapagka't tumututol sa hidwang pamamalakad at tulog na sining ng ilang nasa kapangyarihan; at aristokrata sapagka't hindi natatakot mapawalay at maging persona non grata sa nakararami, kung ito'y kailangan sa ikatatangi, ikadadakila at ikatataaas ng uri ng Panitikang Tagalog."

Nagdaos sila ng isang serye ng panayam at ginalapong doon ang mga akda ni Lope K. Santos at ibang nakatatandang manunulat. Naging magulo ang naturang panayam. Noong Marso 2, 1940 ginulat nila ang madla nang magsiga sila at sunugin ang mga akda ng mga sikat na manunulat sa Plaza Moriones. Iyon ang kauna-unahang demostrasyong pampanitikan sa kasaysayan ng Filipinas. At sinundan pa ito ng iba pang balitaktakan sa pahayagan.

Ngunit darating ang panahon ng pag-iisa ni Abadilla sa tinatawag niyang paggiba sa "kastilyong-moog ng Lumang Institusyon."Lumabas noong 1940 ang kaniyang tulang "Ako ang Daigidig,"ang kaniyang manipesto ng pagtulang Modernista. Ngunit ang kauna-unahang tuligsa sa pagiging tula nito ay panayam ni Del Mundo na binigkas sa isang pulong ng Kapisanang Panitikan. Iniwan na noon ni Teodoro Agoncillo ang panitikan at pinili ang karera bilang historyador. Pagpasok ng dekada sisenta, malinaw na walang nakauunawa sa rebelyong pampanitikang nais ni Abadilla kahit sa hanay ng mga Panitikero. Bingi, payat, sakitin, lasenggo, at walang permanenteng hanapbuhay kundi mag-ahente ng seguro, iginagalang ang dedikasyon niya sa pagsulat sa kabila ng kahirapan at ikinatutuwang ikuwento ang mga anekdota tungkol sa kaniyang eksentrisidad. Ngunit walang pormal na pagpapahalaga sa uri ng kaniyang pagtula.

Noong 1965, inipon niya ang kaniyang tula sa aklat na Piniling mga Tula ni AGA at isinali sa Timpalak Palanca. Sa kasawiang-palad, puro mga matandang tinali ang mga hurado (Emilio Mar. Antonio, Fernando Monleon, at Tomas Aguirre) kaya't ang monumento ng unang kilusang Modernista ay tinalo ng ngayo'y hindi na tinatandaan man lamang na koleksiyon nina Ruben Vega, Teo S. Baylen, at Gonzalo K. Flores.

Ngunit hindi sapat iyon upang ihinto ni Abadilla ang mahigit tatlumpung taon nang krusada. Kahit nagdarahop, ipinagpatuloy niya ang tinatawag din niyang "sining ng pagpapatiwakal" at sinikap buhayin ang maliit na magasing Panitikan upang doon tudyuhin ang mga "bansot-dakilang" Panitikero at ilathala ang mga akdang mahirap malathala sa Liwayway at ibang magasing komersiyal. Nakatira lamang ang kaniyang pamilya noon sa isang pook iskuwater malapit sa Cementerio del Norte at wala pa rin siyang tiyak na hanapbuhay. Ngunit optimistiko siya sa kabuluhan ng kaniyang buhay:

Kung kaya mahalaga ang kasaysayan ng buhay namin sa loob ng mahigit na tatlumpung taong nakalipas ay sapagka't ito'y aming iniukol nang buung-buo sa pakikipamuhay sa mga tauhan ng dulang-panitikan natin. Nagdulot man ang gayon sa buhay namin ng hindi kakaunting bagabag at mga kabiguan, ang mga ito'y nagbigay naman sa puso namin ng kalusugang pandamdamin na nakalikha ng kaligayahang pangkaluluwa at buong luwalhati naming tinatamasa hangga ngayon. Maligaya kami sa kabila ng maraming yugto ng pagdarahop, at pagdarahop sa kabuhayang lagi nang maamo sa kapalaran namin.

At saksi kami nina Rogelio Mangahas at Lamberto Antonio sa pambihirang sikap niyang makiugnay sa mga kabataan. Puring-puri din niya noon ang mga bagong pangalang tulad nina Epifanio San Juan, Jr., Bienvenido Lumbera, at Federico Licsi Espino, Jr. Noong 1969, nag-imbita siyang ipagdiwang namin ang kaniyang birthday sa kanilang bahay. Halos nagmamakaawa siya sa pagsasabing baka iyon na ang kaniyang huling pagdiriwang. Ngunit alam naming kalalabas pa lamang niya noon sa Veterans" Memorial Hospital (Veterans" Hotel ang tawag niya) dahil sa sakit sa baga at bawal sa kaniyang mapagod at lalo nang bawal uminom ng alak. Nagkataon pang may lakad kami ng barkada na mag-eskursiyon sa Biyak-na-Bato, San Miguel, Bulacan.

Nang sumunod na Sabado nang gabi na lamang namin siya pinuntahan upang kumustahin. Halatang-halata ang kaniyang tuwa nang makita kami nina Roger at Bert. Agad ipinalabas ang serbesa at pulutan na inihanda raw niya para sa amin noong nakaraang Sabado. Pagkatapos, nagpabili rin ng hinyebra (ang kaniyang paborito) at sinabayan ang aming pag-inom. Tulad ng dapat asahan, panis na ang pulutan kaya't tamilmil naming tinikman-tikman kasabay ang panalanging mapangibabawan ito ng espiritu ng alak. Natapos ang gabi na kami ring tatlo ang nag-usap habang walang-kibo siyang nakasubaybay.

Hindi nagtagal, muli siyang naospital at tuluyang iginupo ng karamdaman noong Agosto 26, limang buwan makaraan ang kaniyang huling kumplianyo.

Mabuti pa si Ka Amado at sinalubong ng mga aktibistang umiidolo sa kaniya at nagparangal sa kaniya hanggang kamatayan. Ngunit ang rebeldeng si Abadilla, namatay siyang pobre at ibinurol sa isang mumurahing punerarya sa Blumentritt, Maynila. Halos tupukin ng isang malaking sunog sa pook-iskuwater ang kaniyang alaala. Isang malinaw na pruweba para sa atin ng kailangang sakripisyo alang-alang sa isang isinabalikat na bisyon o misyon sa pagsulat.

Napakahirap maging dakila. Uulitin ko ang wika ni Abadilla, sining ito ng "pagpapatiwakal" isang "panata" para sa kalayaan para kay Ka Amado at malimit na sinusukat ang katapatan at konsistensi pagkaraan ng kamatayan. Kaya higit na dumarating ang mga gantimpala't parangal kapag siguradong hindi ka na makapagbabagong-loob (sapagkat patay ka na o ulyanin) para maging inconsistent.

Sa kabilang dako, higit na kaawa-awa at kahabag-habag ang maraming manunulat na konsistent sa kawalan ng nakitang liwanag. Namamatay sila nang walang sumusukat man lamang sa kanilang inaksayang tinta't papel. Palagay ko, kailangan ang bagong serye ng anim na lektura laban sa kanila at alang-alang sa wastong gamit ng ating nauubos na punungkahoy.

*From Bulawan 3, a publication of The National Commission for Culture and the Arts