Peso RateWeatherPhilippines TimeJoin Our Forum
bisaya,Romantic Tagalog

Ang Wika Ng Karunungang Filipino

(By: Virgilio S. Almario)

Tuwing ipagmamalaki ni Senador Blas F. Ople ang kahalagahan ng wikang pambansa, malimit niyang banggitin ang naging pangangailangan sa isang Shakespeare upang kilalanin ang Ingles, sa isang Dante upang maging wika ng buong Italya ang wika ng kanyang Commedia, o sa isang Alexander Pushkin upang igalang ang wikang Ruso sa kaniyang bansa. Tagapagdiin siya ng paniwala na napakalaki ng tungkulin ng dakilang mga akda tunggo sa paggalang at pagtanggap sa isang wikang katutubo upang piliing wika ng isang bansa mula sa hanay ng kalipunan ng iba pang wikang katutubo. Ito halimbawa ang saloobin ng kaniyang pahayag na Chaucer ng Tagalog si Balagtas.

Kung sa bagay, panitikan ang pinakasukdulang patotoo ng pag-unlad ng isang wika. At tiyak na masasabing inihatid ni Francisco Balagtas ang wikang Tagalog sa isang karurukan, sa pamamagitan ng 'Florante at Laura.' Ginampanan niya sa wikang Tagalog ang paglilingkod ni Chaucer sa wikang Ingles. Katulad ni Chaucer, ang mahusay na pagkasulat ni Balagtas sa Florante at Laura ay makatatawid sa lahat ng balakid at mga suliranin ng wikang Tagalog.

Gayunman, alam natin mula sa kasaysayan ng mga wikang pambansa sa buong mundo na may iba pang mga kondisyon at pangangailangan upang lubusang tanggapin at lumaganap ang isang wikang pambansa. Isa dito ang pagiging wika sa makapangyarihang mga larang ng lipunan. Totoo na kahit pagkatapos ni Balagtas ay maraming sumunod pang mga dakilang manunulat, mula kina Bonifacio, Jacinto hanggang kina Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, Hermogenes Ilagan, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, at napakahabang listahan na luminang sa Tagalog bilang makabuluhan at mabisang wika ng panitikan. Ngunit hindi sila binabasa ng mga mayayamang negosyante at makapangyarihang mga politiko. Nagdedebate sa Ingles ang mga mambabatas sa Kongreso at nililitis sa tulong ng Ingles ang mga kaso mula sa pinakamababa hanggang sa kataas-taasang hukuman ng Filipinas. Hanggang ngayon, Ingles ang namamayaning wika ng karunungan. Maliban sa mga aklat sa pagtuturo ng Filipino at araling panlipunan, nakasulat at pinag-aaralan sa Ingles ang mga textbuk sa mataas na antas ng edukasyong Filipino.

Ito ang realidad na laging inuukilkil ni Dr. Bonifacio Sibayan upang laging ibimbin ang kaniyang propesiya sa totohanang pagkilala sa Filipino bilang wikang pambansa. At ito rin ang pangunahing sandata ng mga Inglesero upang ipagmalaking mahirap mapantayan man lamang ng wikang Filipino ang tungkulin ng Ingles sa lipunang Filipino. Hanggang di nagbabago ang sitwasyon, alinsunod sa analisis ni Dr. Sibayan, hindi dapat madaliin ang pagsasa-Filipino ng pagtuturo. Sa halip, dapat pang hintayin ang mahabang panahon upang matupad ang kanyang hula na magtatagumpay ang Filipino pagkatapos ng isang siglo na kung sisimulan sa 2000 ay nangangahulugan ng katuparan sa 2100.

Para sa mga tulad ni Dr. Sibayan, dapat nang matuwa ang mga makawikang Filipino sapagkat sandaang taon na lamang ang dapat ipaghintay bago sila magtagumpay.

Ngunit may ipokrisya sa likod ng naturang propesiya. Ipokrisya itong tahimik sa hanay ng mga politiko at edukadong nagkukunwaring hindi kaaway. Ipokrisya itong talamak sa hanay ng mga politiko at edukadong nagkukunwang hindi kaaway ng wikang pambansa. O kung tutuusin, ito ang ipokrisya ng buong burukrasya at mataas na lipunang nais lumitaw na hindi sumasalungat sa tadhanang pangwika ng Konstitusyong 1936 hanggang Konstitusyong 1987 bagaman higit na makiling sa pananatili ng kasalukuyang kalagayan dahil sa higit na makikinabang sa patututuloy na pananaig ng Ingles. At mga edukadong ito ang patuloy na nagsasabing hindi sapat ang kahandaan ng sambayanan para sa Filipino samantalang ibinabandila ang pakinabang sa Ingles.

Kaya't maitatanong: Ano ba ang kanilang ginawa upang malunasan ang sinasabi nilang limitasyon ng wikang Filipino? Ano bang programa ang itinaguyod ng tulad ni Dr. Sibayan upang mapabilis ang hinuhulaan niyang panahon ng transisyon mula sa status quo tungo sa malawakang paggamit ng wikang Filipino? Ano bang dagdag na badyet ang idinulot ng mga politiko bilang wika ng akademya?

Umunlad ang Filipino at patuloy na lumaganap, ngunit sa kabila ng kawalang-malasakit ng mga opisyal ng pamahalaan at pagwawalang-bahala ng mga mayaman, makapangyarihan at nakapag-aral sa Filipinas. Kung naging dibdiban ang pagplaplanong pangwika sa likod ng Surian ng Wikang Pambansa (o ng Komisyon sa Wikang Filipino ngayon) at kung nagkainteres man lamang ang mga opisyal ng DECS at CHED upang linangin ang wika bialng wika ng akademya, marahil higit na malayo na ang pagsulong at tagumpay ng wikang pambansa.

Filipino sa U.P.

May mga progresibong palantandaan sa Unibersidad ng Pilipinas. Dito lamang may maipagmamalaking Patakarang Pangwika na tumatangkilik sa wikang Filipino at inaprobahan ng Board of Regents nito noong 1989. Sinundan ito pagkatapos ng pagtatayo ng Sentro ng Wikang Filipino sa ilalim ng opisina ng Pangulo ng U.P. Nagtakda ang Sentro ng mga target na taon upang simulan ang paggamit ng wikang Filipino sa mga klase sa iba't-ibang disiplina at realista ang iba't ibang programang target para sa mga kampus sa Diliman, Los Baños, Maynila, at Kabisayaan.

Ngunit nagdaan ang administrasyon ni Pangulong Jose Abueva nang walang nasunod sa alinmang target ng Sentro. Ang sitwasyong ito ang pinaglimian namin ni Pangulong Emil Q. Javier nang hirangin niya akong direcktor ng Sentro. Natukoy namin ang dalawang malaking suliranin sa pagpapairal ng isang patakarang pangwikang maka-Filipino sa loob at labas man ng U.P. Una, nangangailangan ng mga babasahin at gamit panturo sa Filipino, lalo sa mga larang ng agham, matematika, at teknolohiya. Ikalawa, nangangailangan ng pagkakasundo sa uri ng Filipino na palalaganapin sa unibersidad, ang ibig sabihin, ang uri ng Filipino na magiging modelo ng wikang panturo at wika ng pag-aaral.

Malinaw sa unang nabanggit na suliranin ang pagkaligta sa pagdevelop ng mga babasahin, lalo na ang textbuk, para magamit sa mga silid-aralan. Sa kabila ng pagbanggit sa bagay na ito sa mismong antas para sa programang bilingguwal sa edukasyon tungo sa pag-iral paglaon ng wikang Filipino at waring nilimot ang ganitong paghahanda ng mga opisyal ng DECS at ng buong pamahalaan. Sa kabila ng ulit-ulit na pagtuligsa sa bagay na ito ng mga anti-Filipino, hindi nagising ang Surian (at hanggang ngayon, ang Komisyon sa Wikang Filipino) sa napakalaki at napakahalagang pangangailangang ito. Sapagkat paanong gagamiting panturo sa agham ang Filipino kung walang magagamit man lamang na kahit isang textbuk? Dapat bang lumikha lamang ng naturang textbuk kapag may desisyong nang gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng agham?

Sa kabilang dako, hindi maipagkakaila na nalilito kahit ang mga guro ng Filipino sa nagbabanggaang mga panukalang uri at anyo ng wikang Filipino sa kasalukuyan. Pagkatapos baguhin ang pangalan ng wikang pambansa mula"Pilipino" tungo sa "Filipino" at repormahin ang alpabeto tungo sa pagkakaroon ng 28 titik, dapat lamang asahan ang pagsulpot ng mga haka at panukala upang makaahon ang wikang pambansa mula sa kumunoy ng "purismo" at makaagpang sa mga hamon ng intelektuwalisasyon. Hindi rin maikakaila na may aktibong pangkat sa unibersidad na may reputasyon sa pagsusulong ng tinatawag na "U.P. Filipino" na tiyaking salungat sa paraan ng paggamit sa alpabetong may 28 titik na binuo ni Dr. Alfonso Santiago at siyang pinalalaganap ng Komisyon. Dapat ding banggitin na may pinairal na stylebook ang De La Salle University Press at ginagamit ito sa mga limbag na aklat sa Filipino. Samantala, patuloy na sinusunod ng Liwayway at mga malaganap na tabloyd (maliban sa Abante) ang lumang paraan ng pagbaybay na may alapabetong 20 titik.

Iba't-ibang kampanya ang inilunsad ng Sentro noong 1993 upang harapin ang dalawang naturang pangunahing suliranin. Halimbawa, inilunsad ang timpalak Uswag UP Visayas at Timpalak Iluminado Lucente gayundin ang mga Gawad Lope K. Santos at Cecilio Lopez, at nagkaroon ng mga buwanang simposyum pangwika sa iba't ibang kolehiyo ng U.P. Layunin ng mga gawaing ito ang pagpapasigla at pagpapalawak ng pagkilos para sa Filipino sa loob ng Sisteman U.P. Nag-ukol din ng panahon at salapi ang Sentro para sa mga saliksik pangwika, gaya ng pagtitipon sa mga terminong pangkultura mula sa iba't ibang wika, pagsasagawa ng survey hinggil sa estandardisasyon ng mga katawagang pang-akademya, at pana-panahong Bantay-Wika o pagsusuri sa pamamagitan ng computer sa bokabularyong ginagamit sa mga malaganap na peryodiko.

Gayunman, pinakatuon ng estratehiyang pangwika ng Sentro sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Javier ang tatlong malaking proyekto: (1) Sangfil, (2) Aklatang-Bayan, at (3) U.P. Diksyonaryong Filipino.

Itinatag ang Sangfil (Sanggunian ng mga Unibersidad at Kolehiyo sa Filipino) bunga ng isang maghapong pulong noong Oktubre 26, 1994 na dinaluhan ng mga kinatawan ng Kagawaran ng Filipino mula sa DLSU, Ateneo de Manila, Miriam, PNU, PUP, at UP. Nadagdag pa sa mga sumunod na mga pulong ang FEU at CEU bago idinaos ang kongreso ng pagtatatag noong Agosto 10-11, 1995. Sa ikaapat na pambansang kongreso ng Sangfil, umaanot na sa 100 ang kasaping paaralan mula sa iba't ibang rehiyon.

Nang pangunahan ng Sentro ang pagbuklod sa Sangfil, napapatnubayan ito ng layuning pabilisin samantalang pinalalawak ang pag-uusap sa mga maselang isyung pangwika sa loob ng akademya. Isang forum ang bawat pulong at kongreso ng Sangfil upang mapanday ang mga tuntuning pangwika sa paraang demokratiko at sa pamamagitan ng konstruktibong konsensus. Kamakailan, inilathala ng Sentro ang bagong sangguniang aklat sa gramatika na bunga ng pinagbuklod na sikap ng mga kinatawang guro sa Sangfil. Inaasahan na higit pang magiging produktibo ang Sangfil habang tumitiim ang pagkakaisa ng mga kinatawang guro mula sa iba't ibang kolehiyo at unibersidad. Nagiging epektibong sanggunian din ang kongreso upang maipahayag o maitanghal ang mga isyu't suliraning partikular sa mga rehiyon at lokalidad.

Ang Aklatang-Bayan ang unang ambisyosong programa sa paglalathala ng mga textbuk at sangguniang aklat na nakasulat sa wikang Filipino. Sa simula, nakatuon lamang ang programang ito sa seryeng Aklat Paraluman -mga textbuk at sangguniang aklat sa agham at matematika, at sa seryeng Aklat Bulawan - mga importanteng akda noong panahon ng kolonyalismong Espanyol na kailangan sa pagsasaliksik pangwika at pampanitikan. Ngunit lumawak na ngayon ang bisyon ng Aklatang-Bayan upang tunay na makabuo ng isang koleksiyon ng mga akda at aklat na nakasulat o nakasalin sa Filipino, sumasaklaw sa lahat ng disiplinang akademiko, at para sa mga guro't mag-aaral sa hay-iskul at kolehiyo.

Sagot ang Aklatang-Bayan sa sinasabing dahop na kalagayan ng mga babasahin sa Filipino at pagtalimuwang sa naghaharing paniwala na mahirap gamitin ang Filipino sa mga disiplinang nangangailangan ng siyentipiko at modernong pagsusulat ng mga textbuk upang ilahok ang mga propesor mula sa iba't ibang autonomong yunit at magkaroon ng kabuluhan ang bawat aklat para sa buong Sistemang U.P.

Ang "U.P. Diksiyonaryong Filipino" ang ikatlong kasangkapan upang tuluyang masalungat ang mga prehuwisyo at tuligsa laban sa wikang Filipino at maitanghal ang kakayahang pambansa at intelektuwal nito. Isang reperensiya ang "U.P. Diksiyonaryong Filipino" sa kasaysayan ng pag-unlad ng korpus ng wikang pambansa, mula sa sinaunang Tagalog hanggang sa kasalukuyang lingua franca ng Metro Manila. Dibdiban din nitong nilalagom ang mga karanasang pambansa sa pamamagitan ng paglalahok sa iba't ibang saliksik hinggil sa mga lengguwahe, kultura, at katutubong kaligiran ng mga pangkating etniko sa buong kapuluan samantalang maingat na ipinapasok ang mga kabaguhang dulot ng bagong kabihasnan at ipinapahayag sa mga wikang pandaigdig. Kaya sagana ang diksyonaryo sa mga salita mula sa Sebwano, Hiligaynon, Iloko, Bikol, Waray, Kapampangan, gayundin sa mga terminong pangkultura mulang Maranaw, Tausug, Kalinga, Ifugaw, at ibang wikang katutubo. Bukod naman sa dominanteng Ingles at nakamihasnang Espanyol, nakalikom din ang diksyonaryo ng mga katawagan mulang French, German, Italyano, Japanese, Russian, Tsino, Latin, Griyego, Arabe, Hindi, at kahit na Afrikaan.

Ang totoo, nilalagom ng "U.P. Diksiyonaryong Filipino" ang saklaw at konsentrasyon gayundin ang mga lamat at kahinaan ng pagsisikap ng mga manananliksik at iskolar. Sa gayon, sa pamamagitan ng "U.P. Diksiyonaryong Filipino" ay maaring maipaaninag ang lawak at salimuot ng karanasang pambansa samantalang ipinamumukha sa mga edukadong Filipino ang kanilang sariling dahop at makitid na kaalaman. Ang ibig sabihin, hindi dahop ang Filipino bilang wika ng akademya; sa halip, ang mga edukado ang may napakadahop na kaalaman sa paggamit ng Filipino.

Kaya, higit kaninuman, ang mga edukado ang nangangailangan ng isang intelihenteng sangguniang gaya ng "U.P. Diksiyonaryong Filipino."

*Sipi mula sa "Bulawan 4,"Journal of Philippine Arts and Culture, na inilathala ng National Commission for Culture and the Arts.

**VIRGILIO S. ALMARIO is a poet, critic, editor, and full professor at the University of the Philippines, Diliman. He is the editor-in-chief for the UP Diksiyonaryong Filipino. He is also one of the country's National Artists in Literature.

Add comment


Security code
Refresh

Adversal

 


 

 
Copyright © 2014 Living In The Philippines. All Rights Reserved.