|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
OTHER
INTERESTING ARTICLES |
|
|
|
|
|
| |
Hinahanap ko ang orihinal na
kahulugan ng “kulít” (mabilis ang bigkas) sa
diksiyonaryo nang makaengkuwentro ko sa Vocabulario
de la lengua tagala nina Fray Juan de Noceda at Fray
Pedro de Sanlucar ang isang salawikain sa loob ng
lahok na “kúlit” (malumay ang bigkas):
Nagmamatandang colit nagmumurang calumpit.
At ipinaliwanag pagkatapos sa pagsasabing “El mozo
se hace viejo, y el viejo se hace mozo.” Nagpipilit
magmukhang matanda ang bata, at nagsisikap
magmukhang bata ang matanda. Isang sinaunang
leksiyon ito hinggil sa pagkukunwari. Hinggil sa mga
peke’t plastik. Ngunit agad kong naisip ang sawikain
ngayong “nagmumurang kamatis” o kaya’y “nagmumurang
kamyas” upang tudyuhin ang isang medyo gurang na
ngunit nagsisikap magmukhang tin-edyer, lalo pa’t
nanliligaw sa isang babaeng hamak bata kaysa kaniya.
Ikinalungkot ko rin ang naganap na paglinsad sa
salawikain. Una, magkatugma pa at magkasukat ang
“kamatis” at “kalumpit,” ngunit suminsay na sa
tugma’t sukat ng orihinal ang “nagmumurang kamyas.”
Ikalawa, kahit ang “nagmumurang kamatis” ay malinaw
na pagbaluktot sa talinghaga ng “nagmumurang
kalumpit.”
At ang aking hinuha/hinala, dahil hindi kilala ng
kung sinong Tarpulanong nakialam sa salawikain ang
maliit na halamang tinatawag na “kúlit” at ang
malaki’t matigas na punongkahoy na may pangalang “kalumpit.”
Kaya hindi sinasadyang naipalit niya sa puwesto ng
matanda, malaki’t matigas na punongkahoy (ang
kalumpit) ang malambot na’y hamak liit pang “kamatis.”
Higit sanang nararapat ang “kamatis” o kahit ang
“kamyas” sa puwesto ng “nagmamatandang kúlit.”
Gayunman, naglaho na sa ating alaala ang orihinal sa
salawikain kaya wala sa ating nakapuna sa pagpilipit
sa kahulugan nito ng lumikha sa salawikain ngayong
“nagmumurang kamatis” o “nagmumurang kamyas.” Tulad
ng Tarpulano, hindi rin naman natin maiintindihan
ang orihinal dahil marami sa atin ang ni hindi pa
nakakikita ng “kúlit” o “kalumpit” kaya’t hindi
kailanman makukuro ang ipinahihiwatig na liit at
lambot ng una kasalungat ng laki at tigas ng ikalawa.
NAPAKAIKLI ng ating pambansang gunita. Anupa’t
lalong tumitingkad ang gayong limitasyon ng ating
alaala kapag ikinompara sa napakayamang alaalang
tinipon at inimbak para sa atin ngayon ng
Vocabulario nina Noceda at Sanlucar. May mahigit
sandaan at isang maikling tulang nakasingit sa loob
ng mga lahok na salitang Tagalog sa naturang
diksiyonaryo. Mga katutubong salawikain, bugtong,
tanaga, dalit, at isang diona. Mga pangungusap ito
hinggil sa ating sinaunang paniwala, pilosopiya,
ugnayang panlipunan, at mga paraan ng pamumuhay.
Bukod pa, tulad ng sinipi kong salawikain,
ipinagugunita ng mga tula ang kaligirang matatagpuan
sa Filipinas pagdating ng mga Espanyol. Naging
tungkulin ng haraya noon ang masigasig na pagtula
hinggil sa ating katutubong daigdig, ang ating
sariling henesis, upang maging salalayan ng daratal
nating kasaysayan at pagbabago ng pambansang
kaakuhan.
Bukod sa “kúlit” at “kalumpit,” nakaukit sa mga
taludtod ang “paho,” “doso,” “balanggot,” “bulak
talahib,” “biri,” “banlogan,” “balang,” “sampaga,”
atbp kapiling ng mas kabesado nating “palay,” “niyog,”
“kawayan,” “dagat,” at “bundok.” Isinatula ng mga
makata noon ang mga bagay na ito dahil bahagi ng
kanilang sariling pagkatao. Marahil, dahil sa
paniwala noon na dumaranas ng isang mahabang
paglalakbay ang isang taong sumakabilang-buhay at
higit na nagiging mapanganib ang paglalakbay kapag
nalimot niya ang kaniyang pangalan at pinanggalingan.
Wika nga ng matatanda: “Ang hindi lumingon sa
pinanggalingan / Di makararating sa paroroonan.”
Subalit mga alaala itong naglaho na sa ating
kasalukuyang modernong buhay. (Marahil, kaya tila
tayo kaluluwa ng patay na hindi matahimik at hindi
makita ang paroroonan.) Kaya’t kung sakaling
matagpuan natin sa bokabularyo ang bugtong na ito
Mapuputing dalaga nagtatalik sa lila ay halos magmukha tayong tanga. Kilala naman natin
ang mga ginamit na salita. Ngunit bakit nagtatalik
ang mapuputing dalaga? Kapag umiral ang ating
malikot na diwang pornograpiko, itatanong natin kung
tungkol ba ito sa mga tibo? At bakit “lila”?
Biyoleta ba ang kulay ng kanilang banig o kulambo?
Lalong magliliyab ang ating imahinasyon sa
erotisismo kapag nabatid nating bugtong ito para sa
lahok na “bulaklak.”
Maaari tayong iligaw kung saan ng ating
kontemporaneong kaalaman. Una, hindi kulay ang “lila.”
Ito ang tawag sa sinaunang luwad na crisol o melting
pot. Ginagamit ito noon sa pagtunaw ng metal ngunit
nagsisilbi ring kawali sa araw-araw, tulad sa
pagbubusa ng bigas. Ang bigas na ibinubusa ang
tinutukoy na “mapuputing dalaga” sa bugtong, na
kapag nagsibuka ay para nga namang “bulaklak”—ang
tawag ng ating mga ninuno sa ating poprice ngayon.
ISINISISI nating malimit ang angkin nating maikli’t
napugtong alaala sa kolonyalismong Espanyol. Na sa
isang banda’y totoo, lalo na para sa mga pook na
matagal nasadlak sa matinding bisa ng
Kristiyanisasyon. Alinsunod nga kay E. Arsenio
Manuel, nabura ng Kristiyanisasyon ang ating
katutubong alaala at napalitan ng kulturang hatid ng
mga kolonyalista’t fraile. Halimbawa nito ang unang
librong may taglay na tula sa panahon ng Espanyol —
ang Memorial de la vida christiana ni Fray Francisco
de San Jose. Sang-ayon sa pag-aaral ni Dr.
Bienvenido Lumbera, taglay ng aklat na ito ang
naging tatlong uri ng tula sa Tagalog bunga ng
kolonyalismo: ang tulang-bayan na kinakatawan ng
“May bagyo ma’t may rilim” na sinulat ng isang
di-kinilalang makata; ang tulang ladino na
kinakatawan ng “Salamat nang ualang hanga” ni Don
Fernando Bagongbanta; at ang tulang misyonero na
kinakatawan ng mga sinulat mismong berso ni
Francisco de San Jose.
Masama ang lasa ni Lumbera sa pagtula ni San Jose.
Malinaw diumanong bagito pa sa wika at lalo na sa
katutubong katangian ng tulang Tagalog si San Jose
kaya hilahod at halos prosa ang mga linya nito,
didaktiko, at dahop sa talinghaga. Subalit hindi
marahil napansin ni Lumbera ang kauna-unahang tula
ni San Jose sa Memorial. Sa kaniyang pambungad na
papuri sa himala ng Santa Cruz at pagtatakwil sa
gawain ni Lucifer ay nagwakas si San Jose sa
sumusunod na dalawang saknong:
O Diablong manunuboc ang dilang aral mo’y buctot, houag cang sumumoc sumoc, cami’y hindi natatacot.
At ang aming tinotongcod ang sandatang Santa Cruz, pinagpacoan cay Jesus, (na sa tauo, ay tumubos.)
Marahil, tatawagin ito ni San Jose na halimbawa ng
isang romance. Ngunit kailangang igiit din natin
ngayong mga saknong itong sinulat alinsunod sa
katutubo nating “dalit.” Nadoble ang bilang ng
taludtod ngunit nanatili ang paggamit ng isahang
tugma. Gayunman, ang paggamit ng iisang uri ng tugma
sa loob ng walong taludtod ay waring sagisag din ng
umaapaw na kalooban ni San Jose sa pagpoproklama ng
kaniyang Kristiyanong pananalig na hindi matimpi
upang ipaloob sa isang saknong lamang na dalit.
Higit sa lahat at dito pa lamang, taglay ng tula ni
San Jose ang pangkalahatang makinarya ng subersiyong
tinupad ng mga misyonero upang igiit sa ating buhay
at alaala ang doktrinang Kristiyano. Ang paggamit ng
wikang Tagalog at anyong katutubo ay isang panukala
mismo upang ipaangkin sa mga Filipino ang hatid
niyang banyagang pagsampalataya. Sa loob naman ng
dalawang saknong ay naisadula niya ang batayang
tunggalian sa buhay ng isang Kristiyano, ang pagbaka
sa Diyablong “buktot” at ang pagtitiwala sa Banal na
Krus ni Jesus na may kapangyarihang “tumubos.”
1605 pa lamang ang Memorial ni San Jose. Pagsapit ng
1645, peperpektuhin ni Fray Pedro de Herrera sa
Meditaciones ang paggamit ng dalit para sa
mahahabang pagmumuning Kristiyano. Pagkatapos ng
sansiglo, isang Indio mulang Batangas, si Gaspar
Aquino de Belen noong 1703 ang patulang
magpapaliwang sa Mahal na Passion. Kaya’t pagdating
ng ika-19 siglo, handang-handang tumangkilik at
maaliw ang taumbayan sa awit at korido, senakulo’t
moro-moro, at mga babasahin at panooring walang
anino man lamang ng “kúlit” at “kalumpit.” At isang
panitikan itong sinulat ng mga Filipinong edukado
ang haraya sa kaalamang dulot ng kolonyalismo.
KAYA malaking bahagi ng kilusang makabayan bago
matapos ang ika-19 siglo ang nakaukol sa pagbabalik
ng kamalayang Filipino mula sa pagliliwaliw sa
Bethlehem, Judea, Persiya, Polandiya, Macedonia,
Roma, Pransiya, at iba pang pook na kinabuhayan ng
mga propeta’t martir at ginalugad ng mga Krusero’t
kabalyero, Bahagi pa rin ng daigdig na ito ang gubat
ng Albanyang pinagpugalan kay Florante ngunit
kinalugdan si Balagtas nina Rizal at Bonifacio dahil
nabasa nila sa mga kaliluhan “sa loob at labas ng
bayan kong sawi” ang sarili nilang pagkatanto sa mga
abuso ng fraile’t kolonisador sa kanilang “lupang
tinubuan.”
Likha ng pag-ibig sa sariling bayan ang Noli at
Fili. Likha rin ito ng mithiing muling ituon ang
imahinasyon sa kaligirang kilala ni Rizal mulang
pagkabata—ang rural na bukid, lawa, at gubat ng Dan
Diego at ang Europeong moog ng Intramuros, mga
bahay-na-bato, kolehiyo’t aliwan sa lungsod ng
Maynila. Kahit ang masigasig na pag-oorganisa ni
Bonifacio para sa kalayaan ay may kaakibat na
paglingon sa kasaysayan at pagbuhay sa sinauna’t
tradisyonal na makatutulong upang maibalik ang
“dangal” at “puri” ng Inang Filipinas.
Ang lunggating ito ng mga Propagandista at
Katipunero ang sinimsim at isinapuso ng mga
manunulat sa ika-20 siglo. Kahit nasa ilalim ng mga
Amerikano, ang naging kampanya ng mga politiko tungo
sa Filipinisasyon ng gobyerno ay naging katapat ng
masikhay na pag-aruga sa tradisyon ng mga tinawag
kong Balagtasista at ng matipunong nostalhiya
hinggil sa lumipas ng mga tulad nina Amorsolo at
Tampingco sa ibang larangan ng sining. Ito ang
susudlungan ng dumatal na impluwensiyang Realista na
hatid ng Amerikanisasyon, lalo na ang tipong
kinakatawan nina Hemingway, Steinbeck, Balzac, at
Flaubert sa katha at nina Chekhov at Ibsen sa dula.
Magiging magiliw din ito sa Realismong Sosyalista na
may markang Marxista at sa mga pagsulat na kahit
paano’y naghahanap ng “pakikisangkot panlipunan.”
Anupa’t isang panahon ng Realismo ang ika-20 siglo.
Noon pang bago magkadigma, iniatas na ni Arturo B.
Rotor sa mga manunulat ng Writers League of the
Philippines: “Let us stop for a moment mooning about
dawn in the eastern seas and the star-studded
tropical sky. Let us consider instead our next door
neighbor and try to find out why it is that he has
been unemployed for one year, why it is that he who
has so little to pay has to pay so much for rent,
clothes and food; and how it is that his sick child
goes untreated when in the same block there are
three physicians who do not have enough patients.
Let us spend less time reading about literary cults
and cliques, and a little more time reading up on
the economic paradoxes of the century, the conflict
between the different ideologies, the march of
progress in the other lines of human effort.”
Hindi ito nasawata ng malilikot na eksperimento ni
Jose Garcia Villa. Labis na pagsamba sa
Sining-Para-Lamang-Sa-Sining ang kaniyang pagmumuni
sa mga tigre’t pantera, alakdang selestiyal, at mga
mongheng asul na kumakain ng pink raisins. Tulad ng
pangyayaring isinakdal ng kaniyang kahenerasyon ang
“Ako ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla dahil
lubhang indibidwalista upang maituring na Tula.
Nagtiwala ang manunulat na Filipino sa wika ni
Chekhov na “Ang layunin ng katha ay absoluto at
matapat na katotohanan.” Lalo na sa idinagdag ni
S.P. Lopez na nasusukat ang katangian ng imahinasyon
sa paraan ng paggamit sa “obhetibong realidad”
(objective reality).
Totoo, may mga larangang sinalungat ito ng lumusog
ding kilusang Modernista, ngunit ang kulto ng
Objective Correlative sa New Criticism ay mapaghanap
din ng konkretong detalye at karaniwang nakabatay sa
tunay na buhay sa kasalukuyang lipunan. Totoo,
nakatagpo ng malusog na paminhian ang Romantisistang
saloobin sa mga komersiyal at popular na babasahin,
ngunit higit pa ring kinagigiliwan yaong tipong
“hango sa tunay na pangyayari” at may tagpuang
napapanahon. Kahit sa entablado, sa panukatang ito
pinatay ng sarsuwela ang moro-moro. Totoo, hinalaw
ni Severino Reyes ang mga awit at korido at naging
napakapopular na Mga Kuwento ni Lola Basiang;
sinubaybayan ng madla ang komiks nina Mars Ravelo at
Francisco Coching; at may panahong higit na maraming
bumabasa sa nilubid-lubid na bulong ng puso sa
Ingles nina Carbonel & Co. kaysa mga nagwaging
kuwento sa Philippines Free Press at Palanca.
Subalit pinaratangan ng mga iginagalang na guro’t
kritiko ang mga gawaing ito bilang sining ng “bakya”
kung hindi man “eskapista” at produkto ng
karumal-dumal na motibong “komersiyalista.”
“Mababaw.” “Mababa.” “Hindi pang-Palanca.”
DATAPWAT may naging katumbas na sakripisyo ang
naganap na pamamayani ng Realismo nitong nakaraang
siglo. Sa maraming pagkakataon, lansakan nitong
nilait ang panitikan ng kolonyalismong Espanyol
bilang “panahon ng oskurantismo” at kinondenang
lubhang “sentimental,” o “didaktiko,” o
“konserbatibo” ang akdang makitahan ng anumang bahid
ng metriko romanse o sermong Kristiyano. Ang
damdaming ito, bukod sa tiyak na taguyod sa
panitikang Ingles bilang anak ng Amerikanisasyon,
ang sumikil sa panitikang nakasulat sa wikang
Espanyol. Ang malungkot, kaugnay nito’y napugto din
ang nagsisimulang ugnayan ng manunulat na Filipino
sa bungad ng ika-20 siglo sa mga bagong pagsulat na
nagaganap sa America Latina. At napugto rin ang
posibilidad na kaagad sana nating naisaloob ang
mapagbagong Modernismo nina Ruben Dario at Vicente
Huidobro, o nahawa man lamang sana tayo sa namumuong
paraan ng pagkathang naging moda kamakailan sa
pangalang “Magic Realism.”
Ang higit na malungkot, ang lansakang pagkondena sa
lumipas na panitikan ng kolonyalismo ay nakaapekto
maging sa ating pagpapahalaga sa natitirang mga
piraso ng panitikan bago dumating ang mga Espanyol.
Naging mainipin at paimbabaw ang paghalungkat natin
sa mga alaala na talaga namang madalas ay
putol-putol, nababalot ng putik at dumi ng nagdaang
panahon, kubi-kubikong at mahirap makilala. Kaya
malimit na kung hindi mababaw ay eksaherado—at
mali—ang pag-aninaw natin sa ating sinaunang anino.
Isang halimbawa nito ang linsad nating paggunita sa
salawikain ng “nagmumurang kalumpit.”
May palatandaan ding lubhang nahumaling ang
manunulat na Filipino sa pagbusisi ng Obhetibong
Realidad. Kung baga, nakanal ang pambansang haraya sa
programang Realista. Kahit ang edukasyon at
kritisismo ay lubhang naging makiling sa paglitis sa
katunayan ng Tunay at katotohanan ng Totoo. Bunga ng
ganitong halos kulto ng Katotohanan, kahit ang mga
historyador natin ay nagbubuhos ng talino’t buhay
para sa pagtiyak lamang ng tamang petsa, tamang
pangalan, at tamang lunan sa kasaysayan.
Ngayon, totoo namang sumulong ang ating harayang
Realista mulang lawiswis-kawayan at bituing marikit
ng kundiman tungo sa matitimyas na katutubong kulay
ng “Suyuan sa Tubigan” ni Macario Pineda at “How My
Brother Leon Brought Home A Wife” ni Manuel
Arguilla, at tungo pa sa “Nagbibihis Na Ang Nayon”
ni Brigido Batungbakal, “Tata Selo” ni Rogelio
Sicat, at “Lugmok Na Ang Nayon” ni Edgardo M. Reyes.
Totoong higit na matalim ang pagtatanghal sa
tunggalian ng mga uri sa mga akdang produkto ng
islogang “Imperyalismo, Piyudalismo,
Burukrata-Kapitalismo Ibagsak” nitong nakaraang
ilang dekada kaysa debate nina Felipe at Delfin sa
Banaag at Sikat.
Subalit saan tayo inihahatid ng ganitong panatismo
sa Obhetibong Realidad? Tulad ng naipahiwatig ko na,
hindi kaya nagmimistulang bartolina din ito ng ating
panitikan, pumipigil sa ating kalooban upang humanap
ng ibang pakikipagsapalaran, pumuputol sa bagwis na
haraya upang tuklasin ang sinasabi ni Chesterton na
“mga misteryo ng gunita at mga kirot ng lunggati”?
Laging masaklap ang larawang itinatanghal sa atin ng
Obhetibong Realidad. Laging marahas at mapaniil,
kaya nauupos tayo bago magkaroon ng pagkakataong
managinip. Kahit ang sumisingit at saglit-saglit na
panaginip ay nilulunod ng malalagim na pangitain.
Kaya daig pa natin ang nagpepenitensiya sa ating
sansiglo ng pagsamba sa Katotohanan. At ang totoo,
hindi tayo umuusad. Bawat likhain nating biktima ng
biyolenteng Katotohanan ngayon ay duplikado lamang
at karikatura ng isa sa mga busabos ng Kristiyanidad
sa San Diego. At ulit-ulit nating binubuhay sina
Kabesang Tales, Sisa, Huli, Basilio, Isagani, Señor
Pasta, at kahit si Crisostomo Ibarra na tulad ng
ulit-ulit na paghampas ng nagpepenitensiya sa
kaniyang hamak na katawan.
Lalo lamang ipinapako ng Katotohanan ang ating
haraya sa nakamihasnang pagdanas ng karahasan sa
loob ng sansiglo. Pinaglahuan ng nakaraan at may
makapal na ulap ang hinaharap, nanatili tayong
nakasalagmak sa masasaklap na katotohanan ng
kasalukuyan. Nagrorosaryo ng sawi’t martir.
Ulit-ulit. Nais yata nating patunayan ang haka ni
Borges na maaaring itanghal ang unibersal sa
pamamagitan ng ilang metapora lamang.
IBIG kong balikan ngayon ang salawikain ng “kúlit”
at “kalumpit.” Bakit kaya higit nating piniling
alalahanin lamang ang “nagmumurang” bahagi ng
salawikain? At bakit ang bahaging ito ang ating
sinisipi upang pagkatapos ay gamitin nating
pangkutya sa ibig nating pagtawanan?
Sa kabilang dako, bakit kaya nabura sa ating alaala
ang “nagmamatandang kúlit”? Hindi kaya sinadya
nating sikilin ang taludtod na ito sa orihinal na
salawikain? Sinadya nating sikilin upang maipagkaila
ang naging lunggati ng ating haraya mula nitong
ika-20 siglo? Dahil sa puso ng ating puso ay nais
nating lumitaw na matanda at maalam sa ating
dinatnan at binuong daigdig ngunit ayaw nating
matukso man lamang na “nagmamatandang kúlit”?
Sa bungad pa lamang ng ika-20 siglo, nais nating
umahon mula sa bilangguan ng kolonyalismo bilang in lamang nating
pelikulang bomba ang kaniyang “Summer Solstice.”
Ginawang karnabal ni Wilfrido Nolledo ang pagwawakas
ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa nobelang But For
the Lovers. Ngunit bihira ang natuwa sa kaniyang
sinematiko’t mapaglarong palabas ng mga unano,
pekeng higante, sirkero, salamangkero, manghuhula,
badaf, bombera, puta, at ang babaeng walang
pangalan. Gaya ng literal nating pagbasa kina
Chekhov at Rizal, nais nating payak at matapat kahit
ang presentasyon ng Obhetibong Realidad. Kaya nasa
mga aklat pampaaralan ang “Divide By Two” at
“Flowers of May” ni Francisco Arcellana ngunit
walang sumusuri sa “Trilogy of the Turtles.” Kung
maaari lamang sana, higit nating nais na mahalin ang
literatura bilang isang uri ng patriyotismo.
Siyempre, eksaherado at may bahid ng aking personal
na prehuwisyo ang presentasyon kong ito sa Filipinas
ng ating haraya. Gayunman, sadyang naniniwala akong
hinihingi na ng panahon ang pag-usig sa naging
pangunahing daloy ng ating makabagong panitikan sa
loob ng sansiglo. Kailangang bigyan natin ng higit
na puwang ang ibang daloy, lalo na yaong hitik sa
maligayang kabalighuan at espiritung komiko. Kahit
dito sa Palanca Awards Night, humahalakhak lamang
tayo kapag medyo kargado na’t may ibang
pinagtatawanan.
Bihira nating pagtawanan ang sarili. Kayang-kaya
natin itong hampasin at alipustain bagaman hindi
natin mapagtawanan ang ating “pagmamatandang kúlit.”
Subalit namnamin ngayon ang dalisay na aliw at
nakatimong halakhak sa bawat taludtod ng matandang
dalit na ito:
Isda acong gaga sapsap gagataliptip calapad caya naquiquipagpusag, ang calagoyo’y apahap.
Napakawalang-pitagan ng tinig na ito ng “sapsap.” Ni
walang bahid ng anumang pangingimi at surot ng budhi
sa ginagawang pakikisalamuha (“naquiquipagpusag”) sa
malalaking apahap. Tayo lamang ang babasa ngayon na
isang pang-uuyam ito sa social climber, sa mga
ambisyoso’t mahilig makipagbungguang-balikat sa
mariwasa’t makapangyarihan sa ating lipunan. Ngunit
sino kayang dukha (“sapsap”) ang hindi malilipos ng
tuwa kapag nagkaroon ng pagkakataong makipagpiging
sa Manila Peninsula?
O kaya’y lasapin natin ang kagila-gilalas na
kapalaran ng apat na pulubi sa isa nating
awiting-bayan. “Nagsayaw ang pilay, kumanta ang
pipi.” Kababalaghan itong nalilikha lamang ng
masiste, mapangarapin, at “nagmumurang kalumpit” na
haraya. Ayaw natin ng himala ngunit baka kailangan
natin ng kahit kaprasitong madyik para tayo sumigla?
Hindi kaya ipinagugunita ng ganitong mumunting
piraso ng sinaunang alaala na maaari tayong
makinabang kapag ibinaling ang ating pansin mula sa
mga kawawa’t busabos ng San Diego tungo sa mga
pantastikong pulubi ng San Roque?
Nagtanong na ako. Kayo na ang bahalang sumagot.
MORE PAGES:
|
|
|
|
|
|
|

|
<<<
F R E E-
<< Click to
subscribe to Living, Retiring, Traveling, Doing Business and
Moving To The Philippines
FREE INFORMATION FROM
EXPATS, FOREIGNERS WHO TALK ABOUT LIVING IN THE PHILIPPINES,
RELOCATION HERE AND DOING BUSINESS, TRAVELING OR RETIRING IN THE
PHILIPPINES.
|
|
|
|
|
|
|
|