|
|
|

HOME
|
|
Bakit
Kailangan ng Filipino ang Filipino
(By Virgilio S. Almario)
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
OTHER
INTERESTING ARTICLES |
|
|
|
|
|
|
|
Ang unang dapat usisain:
Bakit ba ipinasiya ng 1935 Kumbensiyong
Konstitusyonal na isang wikang batay sa isa sa mga
katutubong wika ng Filipinas ang ating maging wikang
pambansa?
Nakapagtataka ito kapag inisipa na ang mga delegado
sa naturang kumbensiyon ay pawang mga edukado at
kabilang sa mataas na uri ng lipunang Filipino.
Bilang mga edukado, mayorya sa kanila ang mahusay sa
Espanyol. Iyon ang dahilan kaya ang una nating
republika, ang Republikang Malolos ay Espanyol ang
wikang opisyal sa pamahalaan. Ang medyo nakababata
sa mga delegado ay nagdaan sa edukasyong pinalaganap
ng mga Amerikano o naging pensiyonado kaya't bihasa
sa wikang Ingles. Nasa ilalim pa tayo noong 1935 ng
mga Amerikano kaya't siguradong may malakas na
saloobin sa kumbensiyon na Ingles ang hiranging
wikang pambansa. Alam ng mga delegado ang realidad
ng politika at ang magandang mga posibilidad para sa
paggamit ng wika ng kanilang bagong Mananakop.
Kung pinili lamang nila kahit ang Espanyol ay
nagtatamasa sana tayo ng higit na matalik na ugnayan
sa Espanya at mga bansa sa Amerika Latina. Kung
pinili lamang nila ang Ingles ay wala tayong
pinag-uusapang problema ngayon. Ngunit hindi nila
pinili ang Espanyol at hindi rin nila iginiit man
lamang ang Ingles bilang wikang pambansa. Sa halip,
pinagtibay nila ang pagbuo ng isang wikang
pambansang nakabatay sa isang katutubong wika ng
Filipinas.
Bakit? Dahil higit na nanaig sa kanila ang paniwala
na higit tayong magkakaisa bilang isang bansa at
makapagsasarili sa politika at ekonomya kung isang
wikang katutubo sa atin ang ating wikang pambansa.
Ang paniwalang ito ay bahagi ng matinding
nasyonalismo na dulot ng nakaraang Himagsikang
Filipino at maalab na maalab pa noon sa puso ng mga
lider at naging delegado sa kumbensiyong
pansaligang-batas. Gayunman, ang paniwalang ito ang
namatay na sa ating isip at ibig nating ilibing
ngayon kasama ng mga gunita ng Himagsikang Filipino.
Puwede ka namang maging makabayan kahit nagsasalita
ng Ingles. Ito ang malimit ikatwiran ng mga
Inglesero ngayon. Ang ibig sabihin, baka higit pang
makabayan ang pagsasalita sa Ingles dahil higit na
kailangan ng mamamayan ang kahusayan sa paggamit ng
Ingles para umasenso ang buhay. Sa kabilang dako,
pangarap lamang noon ang wikang Filipino at hindi na
ito kailangan ng bayan. Ito ang nasa isip ni GMA sa
pag-uutos ngayon sa DepEd na ibalik ang pagtuturo
lamang sa Ingles mula Grade 1. Ito rin ang katwiran
ni Meyor Lito Atienza sa pagtatagubilin na Ingles
lamang ang gawing medium of instruction sa Maynila.
Sa biglang malas, ang isyu ng pagiging makabayan at
ang isyu ng dapat maging midyum ng pagtuturo sa mga
paaralan ay dalawang magkahiwalay na usapin.
Gayunman, totoong magkaugnay ang dalawa kapag
nilinaw ang problema ng edukasyon sa Filipinas. Ang
ibig kong sabihin, ang problema ng ano ang dapat
maging midyum ng pagtuturo ay nagsisimula at
nagwawakas sa kalidad ng nasyonalismo ng mga
nagsasabing makabayan sila at kaya nais nilang
Ingles ang maging midyum ng pagtuturo.
Para sa ikalilinaw ng problema, balikan natin ang
kasaysayan ng mga pagtutol sa paggamit ng Filipino
bilang wikang pambansa at midyum ng pagtuturo.
Unang pagtutol: Tagalog lamang ang Filipino. Isang
bagay itong matagal nang sinagot. Sa isang banda,
aksidente lamang ng kasaysayan na Maynila at hindi
Cebu ang ginawang sentro ng kolonyang Espanyol sa
dakong ito ng daigdig at patuloy na naging sentro ng
politika at ekonomya ng bansa nitong ika-20 siglo.
Kung sa Cebu namalagi si Legazpi, Sugbuanon sana ang
batayan ng ating wikang pambansa. Sa kabilang banda,
ang pagiging Tagalog ng Tagalog ang bentaha nito
laban sa wikang banyagang gaya ng Ingles. Iisa ang
pamilya ng lahat ng katutubong wika ng Filipinas. Sa
diksyonaryo halimbawa ni Panganiban (1972), naglista
siya ng mahigit 27,000 pangunahing lahok at sa mga
ito, mahigit 11,000 ang may kogneyt sa pinili niyang
12 wikang katutubo sa Filipinas bukod pa sa mahigit
12,000 homonim ngunit di-singkahulugan. Kaya
nakapakabilis matututo ng Filipino ang isang Ifugaw
o Tausug kompara sa paghihirap niyang matuto ng
Ingles o anumang wikang di-kapamilya ng mga wika
natin.
Ikalawang pagtutol: Imperyor ang Filipino sa Ingles.
At kaugnay nito, mahirap gamitin ang Filipino sa
matataas na disiplina, lalo na sa agham at
matematika. Ito ang nagin saligan ng Bilingual
Policy sa edukasyon noong 1970. Sa isang banda,
walang imperyor o superyor na wika sapagkat bawat
wika ay may sistema upang tupdin ang pangangailangan
ng gumagamit nito at upang umunlad kung nagbabago
rina ng buhay at interes ng gumagamit nito. Sa
kabilang banda, napatunayan na ng mga saliksik at
eksperimento na puwedeng-puwedeng gamitin ang
Filipino sa anumang disiplina. Sa U.P., bukod sa
totohanang paggamit ng Filipino sa mga klase sa
agham at matematika ay nakapaglathala na ng maraming
textbuk sa iba't ibang larangang akademiko. At sa
totoo lang, Filipino naman ang lihim at siyempre
di-opisyal na ginagamit ng mga titser kapag
kinakapos sa Ingles ngunit nais talagang makatulong
sa pagkatuto ng mga estudyante.
Umiikot lamang sa naturang dalawang pagtutol ang mga
isyung inihaharap laban sa Filipino magmula nang
iutos ang pagtuturo nito sa mga paaralan. Sa
kabilang dako, natupad na ng Filipino ang mga
gampanin upang kilalanin itong wikang pambansa at
opisyal na wikang panturo. Ito ang totoong lingua
franca ng Filipinas. Sa isang survey ng Ateneo de
Manila noong 1989, lumitaw na 92% ang nakakaintindi
ng Tagalog sa buong bansa, 88% ang nakakabasa nito,
83% ang nakakapagsalita nito, at 81% ang nakasusulat
dito. Lumitaw din na 51% lamang ang nakakaintindi ng
Ingles at 41% ang nakakaintindi ng Sugbuanon.
Tandaan, noong 1989 pa ang estadistikang ito. Tiyak
na malapit nang maging siyento porsiyento ngayon ang
nakakaintindi ng Filipino mulang Basco hanggang
Bonggao.
Subalit binubuhay ng mga Inglesero ang lumang
pagtutol sa pamamagitan ng inibang katwiran.
Ginagamit ngayon ang "globalisasyon" bilang
sangkalan upang idiin na kailangan natin ang Ingles
upang maging "globally competitive" at upang mas
magkaroon ng oportunidad ang bawat paslit na
Filipino na umasenso. Para sa mga Inglesero,
pagiging makabayan ang pagsisikap matuto ng Ingles
dahil kailangan ito para sa pagsulong ng kabuhayang
bansa at sa pag-asenso ng bawat mamamayang Filipino.
Totoo ba ang katwirang ito ng mga Inglesero?
Una, ilang Filipino ba talaga ang nagkakaroon ng
pagkakataong magtrabaho sa ibang bansa? Sa
istatistiks noong 1984, umaabot sa dalawang milyon
ang ating overseas workers. Siguro, triple na ngayon.
Ngunit kahit sabihing 10 milyon, sila ba ang
pundasyon upang maisalba ang ating bansa sa
kasalukuyang krisis? Ayon sa istatistiks, umaabot sa
75% ng mga overseas workers ang atsay, drayber, yaya,
at piyon sa mga konstruksyon. Kailangan nga ba
nilang maging magaling sa Ingles? O baka mas
kailangan pa nila ang leksiyon sa Niponggo, Arabic,
Mandarin, German, o Italian para mas kagiliwan ng
kanilang amo?
Ikalawa, ano ang gagawin natin sa milyon-milyong
paslit na pumapasok sa paaralan taon-taon at hindi
naman magiging overseas workers? Ayon na rin sa
pag-aaral ng DepEd, sa bawat sampung batang pumasok
ng Grade 1, lima lamang ang nakakatapos ng Grade VI,
dalawa lamang ang nagtutuloy sa high school, at isa
ang nakakatapos para mag-aral sa kolehiyo. Ang lahat
ng drop-out sa elementarya ay malamang sa hinding
nalilimot ang natutuhan at nagiging mga illiterate.
Ang ibig sabihin, kailangan ang mabisang paraan ng
pagtuturo sa elementarya upang maging literate sa
lalong madaling panahon ang isang bata. Kailangan
mabilis siyang matutong bumasa't sumulat, matuto ng
mga batayang kaalaman at kasanayan upang kahit
umalis siya ng paaralan ay may pag-asa pa ring
magamit niya ang natutuhan at maging isang
kapaki-pakinabang na mamamayan.
At alam ng kahit sinong disenteng edukador na hindi
ito matutupad sa pamamagitan ng Ingles. Sa halip,
kailangan ang wikang katutubo o ang wikang higit na
mabilis maunawaan ng batang Filipino upang higit na
mabisang matupad ang pagtuturo ng batayang kaalaman
at kasanayan sa unang mga taon ng pag-aaral. Ang
kapakanan ng 90% paslit ang dapat ingatan, hindi ang
pangarap ng 10% na malimit ay anak pa ng mayaman at
makapangyarihan sa ating lipunan.
Ikatlo, ano ba ang layunin ng Edukasyon sa
Filipinas? Layunin lamang ba natin na maging pabrika
ng mga atsay, construction workers, care givers, at
call center operators? Layunin ba nating idestiyero
sa ibang bansa ang lahat ng magagaling nating
kabataan at edukado para makapagpadala dito ng
dolyar kahit na alilain at abusuhin sila doon? Isa
tayong bansang pulubi. Ngunit mananatili tayong
pulubi hangga't hindi natin naiplaplano ang
edukasyon tungo sa pagpapalakas ng ating pambansang
kakayahan. Higit nating kailangan dito ang lahat ng
mga magagaling nating mamamayan upang itayo ang
ating industriya, pamunuan ang ating mga negosyo, at
gumawa ng mga paraan upang magdulot ng marangal na
ikakabuhay sa sambayanang Filipino.
Isang pinunong mababaw ang isip ang nagplaplano
lamang para ipadala sa ibang bansa ang lahat ng
puwedeng ipadala sa hukbo ng kaniyang mamamayan. At
isa siyang taksil na pinuno kung isasakripisyo nya
ang kapakanan ng napakarami para mapagbigyan ang
kinabukasan ng iilan. Sa ganito dapat sukatin ang
ipinangangalandakang "pag-ibig sa bayan" ng mga
Inglesero at nagsisikap biguin ang paglaganap ng
Filipino bilang wikang pambansa. Limitado ang
kanilang "nasyonalismo" dahil nakabatay lamang ito
sa hilig at interes ng mga middle class at educated
sector.
Ngayon, hindi nangangahulugang dapat patayin ang
Ingles. Hinding-hindi. Kailangan natin ang Ingles sa
mga gamit na ipinagmamalaki ng mga Inglesero. Kaya't
dapat magdulot ng puwang sa paaralan para matuto ng
Ingles ang nais matuto ng Ingles ang nais matuto
nito. Subalit hindi sa paraang ito ang pamamayanihin
sa edukasyong pambansa. Ang totoo, malimit na ang
maka-Ingles ay yaong mayayaman. May pera sila para
pag--aralin ang kanilang anak sa pribadong
institusyon na Ingles ang midyum ng pagtuturo. May
pera sila para pag-aralin ang kanilang anak sa
Estados Unidos. Bayaan silang gumastos para sa
kanilang pangarap. Subalit huwag ipahamak ang
pangarap at hinaharap ng napakaraming anak ng mga
magsasaka, mangingisda't manggagawa sa mga nayon at
sa mga pook maralita ng lungsod.
Nais nating lumahok sa kumpetisyong global?
Palakasin natin ang ating sarili. Wika nga ni Dr.
Onofre D. Corpuz, na isang mahusay um-Ingles, sa
isang kumperensiya ng mga guro ng U.P. noong Mayo
1997: "We want to go global. But we can't develop
unless we develop a national language." Inuulit
lamang niya ang ibig sabihin ng mga delegado sa 1935
Kumbensiyong Konstitusyonal nang ipasiya nilang
ibatay sa isang wikang katutubo ang wikang pambansa
ng Filipinas.
Ferndale Homes
30 Hulyo 2004
*Mula sa panayam na binigkas ng may-akda sa okasyon
ng Buwan ng Linggo ng Wika sa NCCA Auditorium
MORE PAGES:
|
|
|
|
|
|
|

|
<<<
F R E E-
<< Click to
subscribe to Living, Retiring, Traveling, Doing Business and
Moving To The Philippines
FREE INFORMATION FROM
EXPATS, FOREIGNERS WHO TALK ABOUT LIVING IN THE PHILIPPINES,
RELOCATION HERE AND DOING BUSINESS, TRAVELING OR RETIRING IN THE
PHILIPPINES.
|
|
|
|
|
|
|
|