Mistipikasyon ng
Sining
Ni Virgilio S. Almario
Click here for past Perspectives articles
Halos magkakasabay yumao ang dalawa nating
Pambansang Alagad ng Sining na sina Levi Celerio at
Lucio San Pedro at ang artistang si Rico Yan. Ang
nangyari, higit na binigyan ng espasyo sa mass media
ang kamatayan ni Rico Yan. At sa tanda ko, mga
kolumnista din sa industriyang pang-aliwan ang
pumuna sa tila diumanong labis na pagbusisi sa kahit
anong puwedeng maisulat tungkol kay Rico Yan, lalo
na’t kapag ikinompara sa tila walang latoy na
pagpaparangal sa dalawang Pambansang Alagad ng
Sining.
Sa pangyayaring ito, muling nausisa ang halagahang
pangkultura ng mga Filipino. Siyempre, maraming
muling pumansin sa kasalukuyang nilalaman ng mass
media. Na lubhang nakalilimot ito sa tungkulin o
responsabilidad bilang bisig ukol sa “edukasyong
pangkultura”—ang paglinang at pagpapalaganap ng
wastong kaalaman at halagahang pagkultura sa hanay
ng karaniwang mga mamamayan ng Filipinas.
At tunay namang lumilitaw sa paraan ng pagpaparangal
kay Rico Yan ang hungkag na oryentasyon ng mga
kumokontrol sa mass media. Puro tsismis.
Pinakamatino na ang pagpaparangalan sa mga gawaing
sibiko at mga pangarap na proyekto ni Rico Yan.
Ngunit ni wala akong nabasang matalinong
pagpapahalaga sa kaniya bilang isang artista. Isang
artista sa pelikula at telebisyon ang yumao. At ito
ang dapat sanang tayahin at suriin—upang
mapangatwiran ang kilo-kilometrong coverage tungkol
sa kaniya.
Sa kabilang dako, seryong-seryo naman ang papuri sa
dalawang dakilang alagad ng musikang Filipino. Bukod
sa pagbanggit na mga proklamado silang Pambansang
Alagad ng Sining, laging nakalista ang kanilang mga
hinahangaang komposisyon, mga gawad at timpalak na
pinanalunan, mga papuri ng mga kapuwa alagad ng
musika at ibang autoridad, at iba pang gawain (na
suspetsa ko’y mula sa kanilang talambuhay na naging
batayan ng paggawad sa kanila ng National Artist
Award). Mga impormasyon na maaaring nakagugulat sa
karaniwang mamamayan ng Filipinas ngunit malaki ang
posibilidad na hindi niya alam pahalagahan.
Bakit nga ba dapat hangaan sina Celerio at San
Pedro? Ano ba ang ikinabukod nila sa ibang
kompositor at manlilikhang pangmusika sa ating bansa
ngayon?
Inuulit ko ang naturang mga tanong hindi para sa
aking sariling edukasyon kundi alang-alang sa
milyon-milyong karaniwang Filipino. Alam kong may
nagaganap na napakahirap na proseso sa paglitis ng
mga alagad ng sining bago maging National Artist.
Kaugnay nito, may mga nasusulat na critique o
pag-aaral upang ipaliwanag ang kahigtan ng isang
manunulat, pintor, o mananayaw upang dakilain ng
bansa.
Subalit hindi nadadalisay ang lahat ng ito upang
maging mga ordinaryong kaalaman tungkol sa sining at
kultura tungo sa pagsasaloob at pagiging bahagi ng
edukasyon ng mga karaniwang Filipino. Hanggang
ngayon, isang hiwaga sa ordinaryong Filipino ang
pagiging “Pambansang Alagad ng Sining.” Lalo namang
nagiging mahiwaga para sa kanila ang Sining kapag
binasa ang malimit ay hindi nila maintindihang
paliwanag ng ating mga iskolar at kritiko tungkol sa
mga dakilang “alagad ng sining.”
Magkabilang mukha ng tinatawag na “mistipikasyon” ng
sining ang naganap kina Celerio at San Pedro at kay
Yan.
Sa kapalaran ni Yan, itinuturing ang promosyon ng
pelikula’t telebisyon bilang makinarya ng
kuntil-butil at kontrobersiya na inaasahang kikiliti
sa imahinasyon ng madla. Tinitimbang ang halaga ng
isang artista o personalidad sang-ayon sa tinatawag
na popular appeal at kakayahang umakit ng manonood.
Hindi sinusukat ang talino’t kakayahan ng artista
bilang artista. Dagdag lamang na pampalaki sa
pangalan ang anumang premyo o gawad. Higit na
ibinebentang tila produkto ang artista sang-ayon sa
likhang mga kahon ng artistang komersiyal.
Samantala, itinatanghal naman sa kaso nina Celerio
at San Pedro ang pagdadambana sa sining bilang isang
linamnam na nalalasap lamang ng iilan. Hindi ito
malalasahan ng karaniwang dila. Kailangan ang dagdag
na paglinang, ang bukod tanging edukasyon ng
pandama, upang kahit paano’y makilala ang lasa ng
musika ni Celerio o ni San Pedro.
Ano’t anuman, hindi makikinabang ang madla sa
naturang mga pangyayari. Tiyak nang hindi naaabot ng
kanilang pang-unawa ang “kasiningan” nina Celerio at
San Pedro. Ngunit nagiging mistikal din ang
pagkakilala nila kay Yan bilang artista. Pagkaraan
ng lahat ng panghihinayang nila’t pagluha kay Yan ay
hindi nadadagdagan at nalilinang ang pagpapahalaga
nila sa sining ng pelikula.
Kung nakukutya tayong mga manggagawang
pangkultura—tayong nagtatrabaho sa ilalim ng NCCA o
nagbabasa ng Bulawan—ay manghinayang din tayo sa mga
saliksik at teoryang lumilipas sa maliliit na
umpukan, natutuyot sa mga aklatan o artsibo, at
hindi nagkakaroon ng pagkakataong mapaglimian man
lamang kahit saglit ng sambayanang Filipino.
Tunay na napakalaki ng mga suliraning dapat harapin
ng edukasyong pangkultura! Huwag nating sayanging
ang panahon sa kumperensiya’t debate! Kailangan
nating kumilos ngayon din!
MORE PAGES:
|