http://www.LivingInthePhilippines.comis theORIGINAL, firstPhilippines Expat site on the Net, since 1989. This is not one of many knock-offs, copycats, imitations. Some have permutations of the names,misspellings and "in" and "the" or "ing." left off to deceive you. This is the original, by: Don A. Herrington
Tungo sa
Pagtukla ng Isang Bagong Teorya sa Musika (By Ramon P. Santos)
Tungo sa
Pagtukla ng Isang Bagong Teorya sa Musika
Isang makasaysayang yugto na
naman ang narating ng pananaliksik sa musika sa Asia
nang idaos ng Asia-Pacific Society for
Ethnomusicology ang isang simposyum na pinamagatang
“A Search in Asia for a New Theory of Music” sa
Sentro ng Seameo-Innotech, Lungsod ng Quezon,
Filipinas noong 17-23 Pebrero 2002. Ang pangmundong
palihan ay inorganisa ng Sentro sa Etnomusikolohiya
ng Unibersidad ng Pilipinas sa pamumuno ng may-akda
nito na si Dr. Jose Maceda, isang sagisag ng
kontemporaneong iskolarship at paglikha sa musika sa
Asia.(1) Sa kaniyang paliwanag sa saligang banghay
ng pagtitipon, tinurol ni Dr. Maceda ang paralelismo
sa pagkatagpo ng kultura at agham sa renaissance sa
Europa at gayon din sa pangkasulukuyang Asia.
Inilapit niya ang mga ispesipikong aspekto na
nangangailangan ng masusing pag-aaral at pagdalumat
tungo sa kaalaman sa mga pundasyong pan-teorya sa
mga kulturang pangmusika ng Asia. Una, ang mga
estrukturang matematiko sa musikang pangkorte ng
Silangan at Timog-Silangang Asia, na kumakatawan sa
isang pilosopikong na ekspresyong kakaiba sa
lohikang linear na siyang batayan ng musikang
kanluranin Ikalawa, ang mga estruktura ng wika sa
loob at katimugang Tsina, na kaugnay sa mga musikang
pantinig Ikatlo, ang mga dimensiyong pangkultura ng
kooperasyon at damayan sa paggawa sa lipunan, maging
sa lungsod o sa kabayanan, na nailalahad sa
palatunugan ng mismong musika na binubuo ng sari-saring
kulay, orkestrasyon, habi, at mga konsepto ng
panahon at mga patlang pantunugan.
Ang kabuuan ng simposyum ay masasabing isang obra
maestra sa orkestrasyon na likha ni Dr. Maceda, na
siyang kumalap buhat sa kalawakan ng pangmundong
karunungang pang-aralin at sining, upang buuin ang
isang holistikong talakayang naglalaman ng mga
pulong na pinagtagni-tagni ayon sa isang progresyon
ng iba-iba ngunit magkakaugnay na paksa. Ang ilan sa
mga pangunahing tagapagsalita ay inanyayahan dahil
sa kanilang mahahalagang kontribusyon sa karunungan
sa larangan ng agham, humanismo, at pilosopiya sa
Asia, bagama’t hindi pa sila gaanong kilala sa
komunidad ng musika sa Asia. Kasama na rito sina
Joseph C.Y. Chen, isang propesor ng Pisika sa UC San
Diego; Yi-Long Huang, propesor ng astronomi at
kasaysayan; Subhash Kak ng India, isang
siyentipitista, makata, at iskolar sa Veda; Lawrence
Reid, kilalang autoridad sa wika; at Kapila
Vatsyayan, artista sa sayaw at manunulat sa
kasaysayang pansining.
Bawat isa sa apat na araw ng talakayan ay hinati sa
apat na pulong, at ang bawat pulong ay may dalawang
tagapagsalita. Ang bawat magkaugpong na presentasyon
ay sinusundan ng isang malayang talakayan na
pinasisimunuan ng isang reaktor. Ang mga
presentasyon, sa kalawakan at kalaliman ng kanilang
mga tinukoy, ay hindi lamang nagdulot ng sari-saring
dimensiyon sa usaping pangmusika, kundi nag-udyok
din sa masisiglang palitan ng kuro, puna, at
palaisipan.
Musika, Matematika, at Pilosopiya
Ang unang araw pa lang ay nagbadya na agad ng isang
di-pangkaraniwang dating ng mga tampok na gawain sa
buong kapulungan. Bukod sa pangunang tudling ni
Maceda tungkol sa konsepto ng buong simposyum at ang
pagdalumat ni Ramon Santos sa kontekstong
pangkasaysayan ng Pangmuling Kamalayan (revivalism)
at Modernismo sa panahon ng post-kolonyalismo sa
Asia, ang mga presentasyon ay sumaklaw sa isang
malawak na usapin sa agham at pilosopiya. Hinggil sa
mga sinaunang panahon sa Tsina, isiniwalat ni Joseph
Chen ang mga matematikong na pagsukat sa sistema ng
tunog pati na ang relasyon ng tono at geometriya, na
base sa ebidensiyang arkeolohiko mula pa sa panahong
neolitiko. Inilahad naman ni Huang Yi-Long ang
teorya ng pagsasa-isa ng musika, metrolohiya, at
kalkulasyong kalendrikol, na tinangkang balangkasin
sa utos ng ilang emperador noong mga unang panahon
sa kasaysayan ng Tsina.
Ang konsepto naman ng bilog at parisukat na unang
inungkat ni Dr. Chen ay pinag-ibayo pa ni Kapila
Vatsyayan ng India, isa pa ring sagisag ng sining at
kultura sa Asia. Ipinaliwanag niya sa kaniyang papel
ang biyolohiyo at matematika bilang pundasyon ng
teorya ng sining at kultura sa India. Doon, saan ang
bilog, parisukat, at tatsulok ang siyang nagbibigay
ng isang mahigpit ngunit malayang banghay sa pagbuo
ng isang super-estruktura ng mga porma ng sining.
Ang konseptong ito ay lalo pang nabigyan ng luwang
ni Subhash Kak sa kaniyang pagtalakay sa kosmolohiya
ng sinaunang musika sa India.
Ang papel ni Yi So-Ra ay tumalakay sa ugnayan ng
iba’t ibang parte ng musika at ng kooperasyon sa
paggawa na makikita at madadama sa iba’t ibang uri
ng kantang pan-saka sa Korea: ang sangsa, jikyong,
jijom, cha, at iba pa. Ang huling pulong ng unang
araw ay nagtampok sa dalawang musikologo buhat sa
Indonesia, sina Dr. Soedarsono at Sumarsam, na
nagbahagi ng kanilang kaisipan, (ayon sa
punto-de-bista ng mga artistang tagaganap) sa
sinaunang gawing na musikal na pagbilang sa
pagtuturo ng sayaw, at ang ikonograpiyang panlipunan
sa musikang gamelan ng mga Habanes.
Musika at Wika
Ang pangalawang araw ay tumutok sa wika at musika,
na karapat-dapat lamang na pangunahan ni Propesor
Lawrence Reid na siyang naglahad sa isang
komprehensibong mapa ng mga pamilya ng wika na
nag-ugat sa Silangang Asia: ang Sino-Tibetan,
Austro-Asiatic, Kradai, Hmong-Mien, at Austronesian,
at ang kanilang dayakroniko at ebolusyonaryong
pagkalat sa kalawakang rehiyon ng Asia. Sa kaniyang
pagsisiwalat sa mga pantinig at karakteristikong
tono ng mga nasabing wika, nakapagbigay si Dr. Reid
ng isang mahalaga at pangkabuuang reperensiya para
sa mga sumunod na talakayan tungkol sa mga
estruktura ng iba’t ibang repertoryo ng kanta –
tulad ng mga kantang pangkasalan ng mga Karen buhat
sa Hilagang Thailand na inilapit ni Gretel
Schwoerer-Kohl; ang relasyon ng titik at himig sa
mga kantang-bayan ng mga Thai at H’mong sa Vietnam
ni Dr. To Ngoc Thanh; ang mga ritmo ng mga kantahin
sa kanayunan ng Ede, Giarai at Ca Dong sa
Kalagitnaang Vietnam ni Propesor Le Thuan; at ang
paksa ni Prop. Jaroenchai Chonpairot ukol sa proseso
ng paglikha ng mga himig batay sa tono at patulang
ritmo ng lam, ang pinakapopular na kantang pang-aliw
sa mga naninirahan sa Hilagang-silangan ng Thailand.
Dalawa namang papel na may kinalaman sa kasaysayan
ang naiambag sa pangalawang araw: ang kuwento ni
Propesor Tomoaki Fujii ng kaniyang pananaliksik sa
musika sa mga Afganistani tulad ng Uzbek, Tadjik,
Hazara, Pashtoon at Nooristani; at ang presentasyon
ni Propesor Larry Hilarian Francis tungkol sa
pagkalat ng instrumentong gambus mula sa Gitnang
Silangan hanggang sa daigdig pang-musika ng mga
Malay. Ang huling papel na inilahad ni Prop. Wang
Yingfen na tumukoy sa kahalagahan ng binary ratio sa
musika ng Nanguan (buhat sa Timog Tsina) ang siyang
nagpasinaya sa paksa ng panahon at ritmo bilang
tulay sa mga darating pang usapin sa pangalawang
bahagdan ng buong simposyum.
Mga Elemento ng Musika at Simbolismong Panlipunan
Sa sumunod na dalawang araw, naisakatuparan ang mga
nakaraang pinaksang teorya at pilosopiya bilang
saligan ng mga konkretong ekspresyong pangmusika at
pansining. Ang mga sumunod na talakayan ay
pinangunahan ng pangalawang presentasyon ni Dr.
Schwoerer-Kohl ukol sa impluwensiya ng pilosopiya ni
Confucius sa musikang pangkorte ng Burma. Sa
kaniyang pagbibigay pansin sa mga instrumentong
bumubuo sa pangkatang hsaing waing, tinukoy ni Dr.
Kohl ang simbolismo ng mga bato ng alahas na
nakakalupkop sa mga balangkasin at sabitan ng mga
ito. Ang iba’t ibang antas ng kanilang halaga ay
kumakatawan sa herarkiya ng kapangyarihan sa korte
ayon sa Nava Ratna. Ipinaliwanag din niya na ayon sa
tradisyon sa Tsina, may kahulugan sa halagahan ang
pagtatalaga ng pangkatan sa kanan o kaliwa ng korte.
Sa kabilang dako naman, tinalakay ni Propesor Chun
In-pyong ang pagkakahawig ng tala ng India ayon sa
Natya Sastra at ng ritmo ng changdan na matatagpuan
sa Yoengsanhoesang ng Korea (isang suite ng piyesa),
na ginagampanan ng mrdangam at tabla (mga tambol) at
ng changgu (tambol na may korteng hourglass).
Ang pangalawang sesyon ay nagtambal sa pangalawang
papel ni Dr. To Ngoc Thanh at sa ambag ni Dr.
Sam-Ang Sam, na pawang tumalakay sa kahalagahan ng
dalawahan at apatang pagbilang sa gampanan sa mga
musikang pangkorte sa Hue sa Vietnam at ng mga Khmer
sa Kampuchea, pati na ang musikang pambayan ng mga
nito. Sa pangalawang papel, inilahad ni Dr.Sam hindi
lamang ang pormula ng pagpaparami ng mga bilang sa
isang gampanan, kundi na rin ang kalaganapan ng
bilang na apat sa iba’t ibang aspekto ng kultura ng
Khmer—sa bilang ng sinisindihang kandila at insenso,
sa bilang ng yukong pagbati, ang bilang ng mga
pangunahing kabaitan, at ang pundamental na disenyo
ng mga monumento ng Khmer na gawa sa bato tulad ng
Angkor Thomm na siyang huling katangi-tanging templo
na itinayo bago lumubog ang kaharian ng Khmer.
Ang mga sesyon naman sa hapon ng 20 Pebrero ay
nagpokus sa mga musikang pangkabayanan ng Tsina, na
pinamunuan ng pagtatangka ni Propesor Guangyu Feng
na lagumin ang buong literatura ng kantahing
pangkabayanan sa Tsina sa ilalim ng iisang banghay,
base sa pormula ng himig, ng teksto at iba pang
estruktura, pati na ang kanilang mga baryasyon ayon
sa praktis ng magkakaibang grupong
etnolingguwistiko. Sinundan ito ng mga pagsuri sa
mga ispesipikong repertoryo ayon sa ugnayan ng wika
at musika, pati na ang pangkalahatang impluwensiya
ng kulturang Han sa mga ito— musika ng mga She, ni
Prop. Lan Xuefei; mga kantahing-bayan ng Yulin
Xiaoqu buhat sa kahilagaan ng probinsiya ng Shanxi,
ni Prop. Liu Xiao Long; at ang mga kanta’t sayaw sa
Tibet, ni Prop. Mao Jizeng. Tumawag ng pansin ang
banggit ni Prop. Mao sa mga uri ng kantang binubuo
ng isahang tono (tulad ng boxie) na naging punto ng
masiglang palitan ng kuro tungkol sa gamit
panlipunan nito—dasal ba o kantang pangmilitar?—
habang nangingibabaw sa isipan ng lahat ang
konteksto ng pangkasalukuyang relasyon ng Tibet at
ng kabuuang Tsina.
Sintesis
Saksi ng huli at ikaapat na araw ng talakayan ang
paglalagom sa mga pinakamahalagang punto ng palihan.
Maaaninag ang isang kumpifigurasyong teoretiko na
sumasaklaw sa mga musika sa Asia: mga pagbilang at
matematika, wika at sintaks, pilosopiya at buhay
panlipunan, at proseso ng pagsasakatuparan ng mga
ito sa musika. Ang mga sesyon sa umaga ay nagtampok
sa apat na magkakaugnay na pag-aaral. Ang Pangulo ng
APSE na si Dr. Kwon Oh Sung ay nagsalita tungkol sa
matematika na napapaloob sa Yeongsanhoesang.
Tinutukan niya ang nakakatawag-pansin na koneksiyon
ng proporsiyong algebrahiko sa guhit-larawan ng
lotus (ang sagisag pangkawikaan ni Buddha), sa
golden section, at sa mga papalaki at papaliit na
mga bahagdan ng ritmo ng changdan (na nabigyan din
ng mariing banggit ni Chun In-Pyong). Sinundan naman
ito ng isang malalim na talakay ni Prop. Yuan
Jingfang sa aspekto ng bilang sa ritmo ng Dianzi
Luogu (musikang pam-perkusyon) na matatagpuan sa
probinsiya ng Hubei. Ayon sa kaniya, may kinalaman
ang mga ito sa mga aspekto ng buhay tulad ng
kalkulasyon sa timbangan, sa mga tipon ng baraha, at
disenyong grapiko.
Ang dalawang sumunod na presentasyon ay nagmula din
sa Korea: ang una, na inihanda ni Prop. Sheen
Dae-Cheol, ay tumalakay sa dalawang magkaibang
katayuang pang-estetika sa dalawang tipo ng musikang
pan-dambana na parehong nag-ugat sa Confucianismo:
ang Munmyoak na halos walang pagtinag sa galaw, at
ang Jongmyoak na may masiglang ritmo. Ang papel
naman ni Prop. Lee Bohyung, Presidente ng Korean
Discology Society ay nagdulot ng masusing kaalaman
sa transpormasyong sintaktiko at semantiko sa
praktis ng pansori at sanjo (mga musikang pantinig).
Ang huling sesyon ay sinimulan ng isang sarbey ng
musikolohiya sa Korea ni Mi-Sun Lim; at ang buong
simposyum ay binigyan ng angkop na pagtatapos ng
talakay ni Prop. Jonas Baes ng Filipinas tungkol sa
isyu ng kusa at pagtalima sa “batas” ng teorya sa
mismong sandali ng pagganap sa musika. Tinawag niya
itong “structuration” sa pagsuri niya sa tatlong uri
ng musikang pantinig sa tradisyong oral sa
Filipinas. Ang mga pagliming pahayag tungkol sa mga
natamo ng simposyum ay sinuma ng huling pangungusap
ni Dr. Kapila Vatsyayan. Binigyan niya ng diin ang
napaluwang na perspektiba ng etnomusikolohiya
kaugnay ng antropolohiya at ang tatluhang relasyon
ng tao, ng teoria at ng tunog ng musika.
Ginampanang Musika at Praktis
Sa paksa ng “tunog ng musika,” bawat araw ng
matinding pagpapalitan ng mga palaisipan at kurong
pilosopiko ay nagtapos sa aktuwalisasyon ng teorya
sa praktis ng musika. Sa panimulang piging pa lamang
(na naidulot sa kagandahang-loob ng Pangulo ng UP
Dr. Francisco Nemenzo Jr.) ay nasaksihan at
naranasan na ng mga kalahok ang ilang halimbawa ng
tatlong repertoryo ng katutubong musika sa Filipinas
na ginampanan ng mga pangkat ng Ibaloy Liyah,
Kalinga Pasiking, at Maguindanao kulintangan.
Kakaiba sa dinamiko at makakalikasang agay-ay na
nilikha ng mga grupo buhat sa Filipinas, ang naging
dating ng unang konsiyerto sa Abelardo Hall
Auditorium ng Kolehiyo ng Musika ng UP nang itanghal
ang isang programang klasiko ng kilala-sa-mundong
Pangkat ng Huong Giang Arts buhat sa Instituto ng
Sining sa Hue, Vietnam. Ang mga piyesa ay binuo ng
repinadong musika sa korte, musika ng aristokrasiya,
pati na ng mga kantahing-bayan na ginanap na mga
artista, taglay ang nakakaaliw at nakabibighaning
kakusaan.
Ang pangalawang gabi naman ay naglahad sa di malimit
matunghayang pangkat ng hsaing waing ng bansang
Myanmar. Ang grupo ay may limang kasapi, pawang
tumutugtog ng mga naiibang instrumento tulad ng pat
waing, isang set ng 20 na papalaking tambol; ang
maung zaing, parektanggulong hanay ng mga gong na
may umbok; ang hne, doble-kanyang torotot; ang
tambol na korteng bariles na tinaguriang patma; at
iba pang perkusyong yari sa metal o kawayan – na may
pangkalahatang timbang na humigit-kumulang sa 300
kilo. Ang nakakamanghang musika at estilo ng
pagganap ng hsaing waing ay nagpakilala sa iba’t
ibang komposisyon, buhat sa kanta ng kabanalan gaya
ng En-daw (relikyang ngipin ng Panginoong Buddha) at
Na-te-ban-da-bwe (Dakilang Nirvana); hanggang sa mga
kantang panseremonya at sekular tulad ng Chit Tha
Mya Ko (pagpapadama ng aking pag-ibig). Ang mga
piyesang ginampanan ay pawang katha ng mga prinsipe
na napanganak sa loob ng ika-19 dantaon.
Sa pangatlong konsiyerto ay itinampok ang pangkat
Pin Peat ng Maharlikang Unibersidad ng Sining (Royal
University of Fine Arts) ng Kampuchea, na
pinamumunuan ni Dr. Sam-Ang Sam, batikang manunugtog
ng sralai (apatan-kanyang torotot) at tror
(dalawahang-kuwerdas na biyolin), at isang
pangunahing autoridad sa musika ng Khmer. (Isa rin
siyang dating estudyante ng Kolehiyo ng Musika ng UP
bago siya nagpakasanay sa musikolohiya sa Estados
Unidos.) Ang pangkat, binubuo ng 6 na musiko ng
korte at mga guro, ay nagtanghal ng isang programa
ng mga komposisyon buhat sa korte at kabayanan ng
Cambodia, na ginanap sa estilong Tsino, Tay at
Habanés.
Noong 21 Pebrero, itinaguyod ng Sentrong Pangkultura
ng Pilipinas ang huli at katangi-tanging konsiyerto
na isinagawa sa Tanghalang Aurelio Tolentino.
Itinampok dito ang tatlong pangkat buhat sa
kontinente ng Timog Silangang Asia, kasama ang
pangkat buhat Filipinas—ang Maguindanao Kulintangan
sa pamumuno ni Kanapia Kalanduyan. Sa isang
nakayayanig-damdaming tugtugan at kantahan na
nagparinig sa ilang halimbawa ng pinakamahalagang
musikang tradisyonal sa Asia na ginampanan ng
pinakatampok na artista sa rehiyon, natamo ng
simposyum ang isang maningning na pagtatapos, sa
puntong ang apat na araw ng puspusan, marubdob, at
masalimuot na talakayan tungkol sa teorya at
pilosopiya ng musika sa Asia, ay umaapaw na
napanindigan at nabigyan ng katuparan, nang
umilanglang ang mga ito sa mga musikang ginanap, at
nagpatunay na bagama’t ang mga nasabing musika ay
may daan-daan taong nakalipas na kasaysayan,
nananatili pa rin silang buhay at mataginting na
simbolo ng madiwa, makulay at malikhaing pamumuhay
sa kontem-poraneong lipunan ng Asia.
Estruktura, Ekspresyon, at Pangkasalukuyang Lipunan
Ang kabuuan ng pagliliming ito ay hindi magiging
ganap kundi bibigyan ng pansin ang ilang isyu na
umusbong tungkol na rin sa naging ugali at
kahalagahan ng buong pangyayari sa larangan ng
pangkasalukuyang katayuan ng aralin at karunungan sa
larangan ng agham, pisika o panlipunan, at
kasiningan at humanidades. Sa makabagong alituntunin
sa larangan ng antropolohiya halimbawa, ang
simposyum ay lumikha ng sariwang hamon sa gitna ng
mga umiiral na parametro at prinsipyo ng pag-aaral
at pagsusuri sa panahon ng post-modenismo.
Ang gabundok na impormasyon na nakalap ng
kumperensiya ay nagdulot ng kaalaman tungkol sa mga
kultura at musika sa Asia na nanatiling buhay ngunit
natago sa liblib ng kabihasnan sa loob ng daan-daang
taon ng kasaysayan ng kolonisasyon at modernismo. Sa
pangunang yugto pa lamang ng talakayan, tahas na
pinuna ni Kapila Vatsyayan ang pamagat ng simposyum:
“Bakit ‘bagong’ teorya ng Musika at hindi
‘sinaunang’ teorya ng Musika sa Asia?”
Ang puntong ito ay hindi lamang nagbuklat sa isang
maselang isyu sa kaalamang interpretatibo.
Nagbigay-diwa dinito sa posibleng bagong pag-ugatan
ng mga susunod pang tangka at hakbang sa larangan ng
pananaliksik sa musika sa Asia. Bagama’t nailawan ng
kumperensiya ang mga estruktura ng musika at
natatanging pagkaugnay ng mga ito sa palaisipang
panlipunan at pangkulturang Asyano, ano ngayon ang
magiging katuturan ng kaalamang ito sa
pangkasalukuyang praktis ng musika sa Asya?
Mananatili ba itong teorya o ito na ang itatayang
batayang banghay sa mga lilikhain at uugaliing
ekspresyon sa Asia?
Ang isang sulok ng aralin na hindi gaanong nabigyan
ng tuon sa lawak at lalim ng paksaing estruktural ng
simposyum ay ang relasyon ng lumipas na paniniwala
at kultura sa kontemporaneong asal at malikhaing
imahinasyon na hinubog ng daan-daang taong namagitan
sa sinaunang “kahapon” at dinamikong “ngayon.”
Bagama’t sistematikong nadakip ng talakayan ang
nakaraang kabihasnan sa ligid ng musika, hindi nito
gaanong naipamalas ang pagiging dayuhan o di-dayuhan
nito sa pangkasalukuyang pamumuhay sa Asia. Hindi
rin gaanong naipahiwatig ang ilang pamamaraan kung
papaano pagdudugtungin ang minanang teorya sa
pagiging isang kagamitan, o ihahalo ang katotohanan
sa lumipas na búhay at ang metapora sa buháy na
panahon.(Geertz, 1983)
Sa ilalim ng paksa ng etnograpiya ng makabagong
palaisipan, ang kumperensiya ay nakapag-ambag ng
makayanig-damdaming kaalaman sa kalakhan at lawak ng
palaisipang pangkultura at pangmusika sa nagdaan o
naimbak na kabihasnang Asyatiko. Sa tulong ng
simposyum, ang paglikom ng kaalamang ito ay isa nang
tapos na hakbang sa proseso ng pagtugon sa hamon ng
kontemporaneong palaisipan—na malawak sa dunong,
ngunit masalimuot at walang patumanggang naninimbang
sa gitna ng katotohanan at pagbabago. Sa nabanggit
na nga sa papel ng may-akda na naiambag sa
simposyum, ang paghahanap ay hindi natatapos sa
kaalaman, kundi sa pagtuklas ng interkoneksiyon ng
makabagong rasyonalidad, damdamin at ideolohiyang
pangkultura sa pre-kolonyal na antigedad. (2)
Sa ganitong usapin, mahaba pang landas ang
kailangang tahakin. Samantala, isa na marahil uri ng
panimulang interkoneksiyon ang pangkalahatang
damdamin ng pakikibahagi sa iisang identidad—ang
pagiging Asyano. Sa puntong ito, totoong naging
walang kapantay ang halaga ng simsposyum tungo sa
pagtatamo ng karunungan tungkol sa kasarinlang
Asyano, na ang abot ay lampas-lampasan sa mga
hangganan ng panahon, kasaysayan, at kabihasnan.
TALA
1. Ang pagpaplano sa simposyum ay unang isinagawa sa
Tanggapan ni Tsanselor Emerlinda Roman ng UP Diliman
at sinundan ng pag-endoso ng Tanggapan ni Dr.
Francisco Nemenzo Jr, Pangulo ng UP System. Ang mga
pangunahing ahensiya na nagbigay ng tulong
pinansiyal ay ang Pambansang Komisyon sa Kultura at
Sining sa pamumuno ni Jaime C. Laya, ang Rockefeller
Foundation, ang Japan Foundation, ang Asian Cultural
Council, at ang International Music Council kaakibat
ang UNESCO.
2. Hango at salin sa sipi: “It will therefore depend
on the collective will of Asian societies as well as
affirmative actions such as the present conference,
to pursue in earnest what has been auspiciciously
started – a continuous search for interconnections
between modern rationality, sensitivity, and
cultural ideologies and pre-colonial antiquity.” -
buhat sa papel Ramon P. Santos. “Revivalism and
Modernism in the Musics of Post-colonial Asia”,
2002.
**From Bulawan 5, a publication of
the National Commission for Culture and the Arts
Ramón Pagayon Santos is a composer and musicologist,
having received training at the University of the
Philippines, Indiana University and the State
University of New York at Buffalo. He was a full
fellow at the Summer Courses in New Music at
Darmstadt and undertook post-graduate work in
Ethnomusicology at the University of Illinois with
grants from the Asian Cultural Council and the Ford
Foundation. His works have been featured in major
festivals in Europe and in Asia. Recently, he has
been awarded residency fellowships at the Bellagio
Study Center and the Civitella Ranieri Center in
Italy.
In the field of musicology, he has undertaken
researches not only in Philippine and Asian
contemporary music, but also studied Javanese
gamelan music and dance and Nan Kuan, and engaged in
continuing field studies of Philippine traditional
music such as the Ibaloi badiw, the Maranao bayok,
and the musical repertoires of the Mansaka, Bontoc,
Yakan, and Boholano. He has contributed major
articles on Philippine music to various
encyclopedias and anthologies such as The Garland
Encyclopedia of World Music, the Encyclopedia of
Philippine Art, the Compendium of the Humanities in
the Philippines. He was chief editor and writer of
the book Musics of the ASEAN, and has produced CD’s
on Mindanao Highland Music, Mansaka Music and Music
of the Bontoc from the Mountain Province.
He is currently serving as University Professor of
the UP, Commissioner for the Arts of the National
Commission for Culture and the Arts, and 2nd Vice
President of the International Music Council.
<<<
F R E E-
<< Click to
subscribe to Living, Retiring, Traveling, Doing Business and
Moving To The Philippines
FREE INFORMATION FROM
EXPATS, FOREIGNERS WHO TALK ABOUT LIVING IN THE PHILIPPINES,
RELOCATION HERE AND DOING BUSINESS, TRAVELING OR RETIRING IN THE
PHILIPPINES.