|
|
Pagsulong sa
Ortograpiyang Filipino Bilang Salamin ng Kasaysayan at Kulturang Pambansa
By Mario I. Miclat, Ph.D.
May sariling katangian, na hiwalay sa pag-unlad ng
kultura, ang wika. Samot-sari ang pagkikilanlan ng
kultura ng isang bayan—ang kaisipan, kaugalian,
kasanayan, at sining ng sambayanan—mga katangiang
nilinang sa mahabang panahon. Bagaman sinasalamin,
inaagapayanan, o tinutuhog pa nga at
pinag-uugnay-ugnay ng wika ang iba’t ibang salik ng
kalinangan, may sinusunod itong sariling batas ng
pag-unlad. Halimbawa, anuman ang maging katangian ng
lipunang Filipino—mala-komyunal sa panahon ng mga
baranggay; may mahigpit na herarkiya sa panahon ng
kolonyalismong Espanyol, Amerikano at Hapon; o
ultra-demokratiko sa kasalukuyang panahon—naroroon
at naroroon pa rin ang katangian ng mga panlaping “mag,”
“um,” “in,” at “an.”
Kaya nga ba may hiwalay na larang ng pag-aaral
tungkol sa wika, ang lingguwistika. Maraming aspekto
ang gawang pag-unawa, pagpapayaman, at
siyentipikasyon ng wika. Una, ang pagsasatitik nito
mula sa basta sinasalita patungong isinusulat na
simbolo ng komunikasyon. Ikalawa, ang kodipikasyon
nito sa mapanghahawakan kahima’t hindi mahigpit na
gramatika—mula sa pagbibigay kahulugan sa mga
pinakamalilit na morpema, panlapi at mga salita,
pati pagbusisi sa iba’t ibang paraan ng pagbubuo ng
kahulugan ng mas malalaki nitong bahagi (tinatawag
na semantika); hanggang sa pagbubuo ng mga parirala
at pangungusap (na sintaktika naman ang tawag); o
pag-aaral sa mga morpema at sa komposisyon ng mga
ito (morpolohiya); pag-aaral ng mga espesipikong
tunog at mga kombinasyon nito (ponolohiya); o ang
katanggap-tanggap na sistema ng pagsulat (ortograpiya).
At ikatlo, ang paggamit dito sa iba’t ibang larangan
ng kaalaman at disiplinang akademiko tulad ng
siyensiya, teknolohiya, matematika, batas,
pilosopiya, teolohiya, politika, at humanidades.
Kung ang wika ang sistema ng simbolo sa tinig at
sulat na ginagamit ng tao sa pagpapatalastas ng isip
at damdamin, walang wika sa kahit na anong lupalop
sa daigdig ngayon ang kahapon lamang isinilang.
Halos magkakasing-edad ang lahat ng sinasalitang
wika, at sumulpot mula nang maging tao ang tao, mga
kalahating milyong taon na ang nakararaan. Sa
kasamaang palad, ang pinakamaagang rekord ng wika sa
nakasulat na paraan ay mga 6000 taon pa lamang
katanda. Sa cuneiform ng mga taga-Sumer (o Iraq ng
kasalukuyan), makikita ang mga panimulang hakbang sa
intelektuwalisasyon ng wika. Sa nasusulat na wikang
tulad nito ipopokus ang talakay na ito.
Liban sa ilang creole, pidgin, at artipisyal na wika,
karamihan sa mga tinatawag ngayong opisyal o
panlahat o pambansang wika ang isinilang sa kabesera
ng isang bansa at pinalaganap sa network ng
komunikasyon at mga aklatan, sa sistema ng edukasyon
at sa tinatawag na pambansang panitikan. Anupa’t
malaking pampasigla sa pag-unlad ng wikang pambansa
ang nasusulat na anyo ng wika. Dito sa Filipinas,
isang palayok na yari noong ca.1400, at
kinatititikan ng sinaunang baybayin sa may gawing
balikat nito, ang nahukay sa isang libingan sa
Calatagan, Batangas. Pero hindi ito ang
pinakamaagang nakasulat na rekord na natuklasan sa
Filipinas. Isang lahang tanso, na may inskripsiyon
tungkol sa sanglaang naganap noong taon 900, ang
nadeskubre sa may wawa sa Pagsanjan, Laguna.
Pinatutunayan nito na mayroon nang nakasulat na anyo
ang wikang Filipino kahit noon pa mang 1100 taon na
ang nakararaan. Sabi nga ng misyonerong Heswitang si
Pedro Chirino sa kaniyang Relacion de las Islas
Filipinas (1604): “Totoong mahilig sumulat at bumasa
ang mga tao sa mga pulong ito, kung kaya bibihira
ang lalaki, at lalong kaunti ang babae, na hindi
nakababasa at nakasusulat ng mga titik na gamit sa
Maynila.” Sa ganitong pangyayari, napakahaba na ng
mapaghuhugutan natin ng karanasan sa pagpapaunlad ng
pambansang wika.
May apat na pangunahing paksang tatalakayin ang
papel na ito kaugnay ng pag-unlad ng pambansang wika.
Una, ang mga pagbabago sa ortograpiyang Filipino sa
kasaysayan. Ikalawa, ang konsepto ng “karaniwang
Filipino” na gumagamit ng pambansang wika. Ikatlo,
ang pagpapasulong ng lingua franca at pambansang
wika. Ikaapat, ilang implikasyon ng patakarang “Kung
ano ang bigkas, siyang sulat.”
Sa manwal panlaboratoryong Embriolohiya ng
Vertebrata (1997) ni Annabelle Herrera na inilathala
ng UP Sentro ng wikang Filipino, mababasa ang
sumusunod (may kaunting pagbabagong editoryal):
Ang sistemang panreproduksiyon ng lalaki ay binubuo
ng isang pares ng testes, ng vas deferens, urethra,
penis, at mga aksesoryang glandula.
Ang testes [ang] nakabalot sa visceral peritoneum na
tuloy-tuloy sa mesorchium. Ang kapsula na fibrous na
connective tissue ay ang tunica albuginea na
tuloy-tuloy sa mga septa na nagbubukod sa testes
mula sa mga lobule. [Nasa] loob ng mga ito [ang] mga
nakaikot na mga seminiferous tubule na [kakikitaan]
ng mga spermatogenic cell na bumubuo sa germinal
epithelium. May nakapalibot na basement membrane sa
mga tubule. Nasa pagitan ng mga tubule ang
interstitial tissue na mayroon ding [tungkuling]
endocrine.
Mapapansin sa halimbawa sa itaas ang gamit ng mga
mga salita na bahagyang lumilihis sa patnubay ng
Komisyon ng Wikang Filipino kaugnay ng alpabeto at
ispeling. Hindi naman basta makalihis kaya bahagya
ngang lumilihis ang patakarang editoryal ng UP SWF.
Pinaglimi-limi ito nang husto at ibinatay sa
napakaraming multidisiplinal na konsiderasyon.
Isa pang halimbawa. Sa isang survey ng SANGFIL (Sanggunian
ng mga Unibersidad at Kolehiyo sa Wikang Filipino)
noong 1999, tinanong ang mga piling respondent mula
sa mahigit 120 kasaping institusyon sa iba’t ibang
panig ng bansa tungkol sa ilang problema sa ispeling.
Bagama’t ang UP-SWF ang nagsisilbing pangkalahatang
kalihiman nito, ang De La Salle University naman ang
siyang puno noon ng komite sa ispeling. Kasama sa
survey ang isang listahan ng mga posibleng ispeling
sa Filipino ng mga binanghay na modernong salitang
IT at siyentipiko tulad ng x-ray, xerox, at fax.
Habang tinatalakay ang resulta ng survey, maraming
delegado sa ikalimang pambansang kongreso ng SANGFIL
na idinaos sa Far Eastern University ang
nagkonklusyon na sapat naman ang umiiral na gabay sa
ispeling. Tinutukoy doon ang “Alpabeto at Patnubay
sa Ispeling ng Wikang Filipino” na inihanda ng
Surian ng Wikang Pambansa at ipinalaganap ng DECS sa
Kautusang Pangkagawaran Blg. 81, S. 1987.
Sa kalahatan, sinusunod ng Patnubay ang prinsipyo ng
pagbaybay ng salita ayon sa bigkas. Parang ang gamit
ng walong dagdag na letra sa alpabetong Filipino
(viz., C, F, J, N, Q, V, X, at Z) ay limitado sa mga
hiniram na pangngalang pantangi at espesipikong
katutubong katawagang pangkultura tulad ng canao,
hadji, masjid, at azan (unang panawagan ng
pananalangin). Eksepsiyon ang mga hiram na salitang
“kapag binaybay ayon sa alpabetong Filipino ay hindi
mabakas ang orihinal na ispeling” tulad ng x-ray at
xerox “na makabubuting pansamantalang hiramin nang
walang pagbabago sa ispeling ngunit salungguhitan.”
(Mga Tanong at Sagot tungkol sa Alpabeto at Patnubay
sa Ispeling ng Wikang Filipino, 1998, 37). May
elaborasyon ang tuntunin na nagpapahiwatig na mas
mabuti kung hindi na binabanghay ang mga salita, o
kung sakali man, ay ihihiwalay sa panlaping Filipino
sa pamamagitan ng gitling. Inihalimbawa ng Patnubay
ang mga salitang tulad ng maka-Rizal, taga-Luzon, at
mag-Sprite (42).
Natatanging kaakuhan ng Filipino ang posibilidad na
mabanghay ang lahat ng pangngalan para maging
pandiwa sa Filipino. Magtutunog pilit ang mga
pangungusap na may hiram na salitang hindi binanghay.
Napakabaduy, halimbawa, kung sasabihin ng doktor sa
kaniyang pasyente na “Ipaiilalim kita sa x-ray” para
lamang makasunod sa posibleng tuntunin ng ispeling
na bulag sa kuwestiyon ng pagbabanghay ng salita. (Lalo
pa’t alam natin na nakapatayo ang karaniwang x-ray
pati na pasyenteng hindi naman “nakapailalim,” tulad
ng aakalain sa salitang “undergo,” ng Ingles.)
Walang problemang nakita ang mga kalahok sa kongreso
sa mga pandiwang tulad ng mag-x-ray, mag-xerox, mag-fax.
Pero karaniwan na ngayong makarinig ng mga
pangungusap na gaya ng “E-x-ray-in kita.” Kung
susundin ang Patnubay, mangangahulugan iyan ng
paglalagay ng tatlong gitling sa napakaikling
salitang may pipitong letra, huwag nang sabihing
kakailanganin pang salungguhitan ang apat na letra
dito.
Kung susundin ang Patnubay, napakahirap isulat ang
simpleng pangungusap na tulad ng “I-f-in-ax ko na sa
iyo ang artikulo ko,” o kaya’y “Borador pa lamang
ang sanaysay, bakit mo i-x-in-erox agad?” Lalo pa’t
kung ima-mouse ang gitling at salungguhit sa
Microsoft Word! May nagmungkahi na gamitin ang
ganoong pangungusap sa pasalita, pero baguhin kung
isinusulat na. Gaya ng, “Ipinadala ko na sa iyo ang
kopya ng artikulo ko sa pamamagitan ng fax.”
Pastilan gid! Napakahaba naman.
Tanong: basta na lamang ba tayo papayag na masadlak
ang Filipino sa tadhana ng mga wikang Amerindian
tulad ng Quechua at Guarani na naghihingalo nang mga
oral at hindi isinusulat na wika sa hi-tech na
panahong ito ng World Wide Web? Lengguwahe ng mga
illiterate? Lengguwaheng pabigkas lamang ang mga
tipo ng signipikasyon at hindi maaaring i-computer?
Mukhang ayaw nating pahintulutan na gamitin sa mas
murang e-mail, bagkus ay ipatatali na lamang sa mas
magastos na teleponong long distance, kung
halimbawa’y gusto nating ibalita sa mga kamag-anak o
kaibigan natin na:
Xinasaylophone ni bunso ang kawayan sa papag!
Maalaala ko tuloy nang minsang may isinusulat akong
maikling kuwento sa Filipino. Naglimi-limi ako nang
husto sa tumpak na salitang dapat gamitin sa loob ng
isang diyalogo. Matapos timbang-timbangin nang
maraming beses ang iba’t ibang singkahulugan—angkas,
suno, sukob, baba, bakay, makisakay—ang sumusunod na
pangungusap pa rin ang isinulat ko: “Siguradong may
mapaghi-hitchhaykan… miski army truck” (Mario
Ignacio Miclat, Pinoy Odyssey—Stories & Kuwentos,
1989, 60).
Sa mga nabanggit na halimbawa, palagay ko’y papayag
na tayong talaga na nangangailangan na ng
pagbabalik-suri sa ispeling o ortograpiyang
Filipino. Naglabas na rin naman ng Kartilya at Gabay
ang UP SWF, lalo na tungkol sa pag-iiba ng
panghihiram sa English at Espanyol. Pero dapat kong
aminin na hindi pa rin iyon sapat.
Mga Pagbabago sa Ortograpiyang Filipino
Sa tuwinang may nagaganap na dakilang pagbabago sa
kasaysayan ng lipunang Filipino, nagkakaroon din ng
kaukulang adjustment sa nakasulat na anyo ang wikang
Filipino. Sa pag-aadjust, yumayaman ito, lumalago,
yumayabong, at nakaaangkop sa tawag ng panahon.
Bago ang ika-16 na siglo, puwedeng sabihing
pinakarasyonal na yatang paraan ang baybaying
naimbento ng ating mga ninuno para mairepresent sa
panulat ang wika nilang sinasalita. Buo na sa iisang
yunit ang bawat pantig. Mabilis kung katutubong
salita ang sangkot. Pumapasok ang problema kapag may
salitang hiram sa loob ng pangungusap. Tingnan ang
sumusunod na pangungusap:
Aahon ako matapos ang anihan.
Kaunin mo ako sa pasigan.
Madaling isulat sa baybayin ang pangungusap sa itaas.
Tingnan naman ang kahawig na pangungusap:
Sa Deciembre ang viaje ko.
Traeme sa muelle.
[insert baybayin text]
Bagama’t pareho pa rin ang diwang isinasaad ng
pangalawang pangungusap sa una, mahirap na itong
ibaybayin dahil sa mga salitang hiram mula Espanyol.
Puwede sa kung puwede, pero hindi na makinis at
tiyak.
Sa mabuti o masama, madaling tinanggap ng ating
ninuno ang mga bagay na Espanyol. Pagsapit ng 1610,
halos 40 taon matapos gawin ni Miguel Lopez de
Legazpi na kabesera ng kapuluan ang Maynila,
isusulat na ni Thomas Pinpin (Introduksiyon, Librong
Pagaaralan nang manga Tagalog nang uicang CaStila,
Bataan: Diego Talaghay, Impressor de Libro, 1610)
ang sumusunod na puna:
Di ba quin ang ybang manga CaStila, ay inyong
quinalologdan, at guinagagad din ninyo, Sa
pagdaramitman, at Sa pananandataman, at sa
paglacadman at madlaman ang magogol, ay ualarin
hinahinayang cayo, dapouat mamochamocha cayo Sa
CaStila.
Kaya nga marahil nang mas maaga pa, noong 1593,
kinailangang isulat din sa titik gotiko Romano,
bukod sa baybayin, ang Doctrina Christiana en lengua
espanola y tagala. Hindi madaling ibaybayin ang mga
salitang “doctrina” at “Christiana.”
Mahihinuhang maluwag na tinanggap ng karaniwang
Filipino ang paglipat patungong letrang Romano. Sa
kabuuan, ang ortograpiyang Espanyol ang sinunod,
bagama’t ang Espanyol man noon ay hindi pa
estandardisado. Pansinin ang titik “h” sa
“Christiana” at Thomas Pinpin. Sa katunayan, sa
lisensiya ng libro ni Pinpin na ibinigay ni
Gobernador y Capitan General Don Juan de Silva noong
Abril 14, 1610 binaybay ang pangalan ng bansa na
“Islas Philipinas.” Doon naman sa Declaracion de la
Doctrina Christiana en Idioma Tagalog ni Juan de
Oliver OFM (1599), “Piliphinas” naman ang ispeling.
Sa kaniyang “Sucesos” (II Blair &Robertson,
196-216), palit-palit na “Filippinas” (197),
“Filipinas” (201), at “Philipinas” (215) ang gamit
ni Miguel Lopez de Legazpi, na nagsasalit din ng
“Billalobos” sa baybay ng pangalan ni Villalobos.
Isang liham ni Pau Cortley na inilimbag sa Barcelona
noong 1566 ang tumukoy sa ating kapuluan sa baybay
na “Philippinas” (II Blair &Robertson, 223).
Noong ika-19 siglo, nabuksan ang Suez Canal,
nabuksan ang Maynila sa kalakalang internasyonal, at
nabuksan ang isip ng Filipino sa mga liberal na
kaisipan. Lumaganap ang kilusang propaganda tungo sa
kasarinlan. Mas lumakas ang diwa ng pagkabansa na
nag-udyok naman sa atin na lalong unawain nang husto
ang ating sariling pagkamamamayan na iba sa Espanyol.
Nagpatuloy ito kahit sa pag-aaral ng ating wika.
Nagmukhang kakatwa ang baybay Espanyol ng mga
salitang Filipino. Kinailangan na muling timplahin
ang ortograpiyang Filipino. Isinulat ni Trinidad H.
Pardo de Tavera (1857-1925) ang kaniyang
Contribucion para el estudio de los alfabetos
filipinos noong 1884. (The Rizal-Blumentritt
Correspondence, Vol I, 1886-1889, 1992, 11).
Sa kaniyang “Estudios sobre la lengua Tagala” (Cecilio
Lopez, tr. Ang Balarila ni Rizal, 1962), ipinagamit
ni Jose Rizal ang letrang “k” sa mga salitang gaya
ng “kuha” na binabaybay noong “cuha.” Nasa
alfabetong Espanyol naman ang “k” pero bihira lamang
gamitin at tila reserbado sa mga salitang hiram.
Kailangang palitan ng “qu-” ang matigas na “c” kapag
ginamit ang gitlaping “-in-” sa ortograpiyang
Espanyol. Ibang-iba na tuloy ang porma ng binanghay
na salita sa salitang-ugat. “Cuha,” “quinuha,” at
hindi “cinuha.” Mas simple kung gagamitin ang “k”—“kuha”,
“kinuha.”
Samantala, ang letrang “h” ng Espanyol ay hindi
binibigkas. Ang paggamit ng binibigkas na “h” ay
makalulutas ng kahawig na problema sa letrang “c”
kaugnay ng malambot at matigas na “g” sa mga
salitang Filipino na ginitlapian ng “-in-,” tulad
halimbawa ng “ganti,” “guinantihan.” Ayon dito, ang
“gigante” ay magiging “higante.” Binigyan din ng
gamit ang letrang “w.”
Malaking hakbang pasulong para sa
intelektuwalisasyon ng wikang Filipino ang mga
pagbabagong ipinasok ng mga propagandista at
rebolusyonaryo sa ortograpiya. Pansinin ang
pagkakaiba ng edisyong 1870 ng Pinagdaanang Buhay ni
Florante at ni Laura sa Cahariang Albania ni
Francisco Baltasar (reprint ng edisyong 1838?), sa
bersiyon ni Apolinario Mabini sa panahon ng kanyang
pagkadestiyero sa Guam noong 1901.
Cun pagsaulang cong basahin sa isip
Ang nangacaraang arao ng pag-ibig
¿may mahahaguilap cayang natititic,
liban na cay Celiang namugad sa dibdib?
Malapit na sa kasalukuyang ortograpiya ang sulat
kamay na bersiyon ni Mabini kung ang gamit din
lamang ng “k,” “g”, at “w” ang pag-uusapan, ngunit
hindi ang gamit ng “ng.”
Kun pagsaulan kog basahin sa isip
Ag nagakaraag araw ng pagibig,
Maymahahagilap kayag natititik
Liban na kay Celiag namugad sa dibdib?
Ayon kay Carlos Quirino, direktor ng aklatang
pambansa noong 1964, “a cursory examination of
Mabini’s version and the 1870 edition… shows that
Mabini… made changes in the orthography as advocated
by Rizal.” (Mabini’s version of “Florante at Laura”
with a Preface by Carlos Quirino and a New English
Translation by Tarrosa Subido, 1972, viii).
Makikita ang bilis ng pagtanggap ng karaniwang
Filipino sa mga susog panggramatika ni Rizal sa
mapapansing pagbabago sa baybay ng mga salitang gaya
ng “ko,” “kay,” “kaya,” “titik,” “araw,” “hagilap”
sa mga dokumentong Filipino noong pagsisimula ng
ika-20 siglo.
Sa pagbuwelta ng tingin sa gamit ng Espanyol sa
letrang Romano, nagsimula na ring sumulpot ang
konsepto ng abakadang Filipino. Yayamang sa Filipino
at Espanyol ay pareho ang bigkas ng “b” at “v,”
pinag-isa na lamang sa “b” at inalis na ang “v” sa
nabubuong abakada. Nakalilito ang gamit ng “c” at
“j” at mukhang kadoble lamang ng gamit ng “s” at “h,”kaya
inalis din sa abakada. Hindi mabigkas ng karamihan
sa Filipino ang “f,” kaya tinanggal rin. Nalimita
nga sa 20 ang titik ng nabuong abakada.
Sa abakada, tuluyan nang kumawala sa Espanyol ang
Filipino. Makikita sa Diccionario Tagalog-Hispano
(1914) ni Pedro Serrano Laktaw ang mga salitang
tulad ng “pirma, piskal, pista” na binanghay nang
“pumirma, pinirmahan, pamista,” at “mamiskal (fizcalizar)”
na hindi maipaliliwanag sa gramatikang Espanyol
kundi tanging sa gramatika at ortograpiyang Filipino
lamang.
Sa unti-unting pagkakabuo ng ortograpiyang Filipino,
hindi lamang binago ng Filipino ang porma ng mga
salitang Espanyol, nagkalakas din tayo ng loob na
isakatutubo ang maraming salita. “Limbagan ni
I.R.Morales, Liwasang Miranda, Kiyapo” anang address
ng tagapaglathala ng edisyong 1915 ng salin ni
Patricio Mariano ng El Filibusterismo. Pansinin ang
gamit ng “limbagan” at “liwasan” sa halip na
“imprenta” at “plaza.” Gayundin ang gamit ng mga
letrang “ki” imbes na “qui” sa Quiapo. Nag-umpisa
rin tayong maghagilap sa mga diyalektong rehiyonal
ng mga salitang wala sa Tagalog na gusto nating
ipalit sa mga salitang Espanyol. Halimbawa na ang “lungsod,”
“lunan,” “binibini” at “katarungan” mula Sebwano. Sa
wakas, hindi na maipagkakamali ng mga dayuhan na
diyalekto lamang ng Espanyol o pidgin Castilian ang
Filipino. Puwede na nating ipaliwanag nang tama na
ang “mamatay,” halimbawa, ay hindi korupsiyon ng
“matar” bagkus ay nanggaling sa salitang ugat na
“patay” na may unlaping “mang.” (Puwede na rin
tayong magbiro na ang sailitang “mate” sa chess ang
siyang korupsiyon ng salitang Filipinong “patay.”)
Dumating ang punto na binago na rin ang baybay pati
ng mga pangngalang pantangi para umangkop sa abakada.
Tulad nga ng “Kiyapo” sa itaas. Kahit hindi
tinanggap ng karaniwang tao, makikita pa rin natin
ang labi ng ganitong tendensiya sa mga pangalang
tulad ng Hesukristo [“H, k” imbes na “J,c”], Hudyo
[“H, dy” imbes na “j, de”]. Kamuntik na ngang
sumunod ang Huse, Huwan o Suwan [“h” at “s” imbes na
“j”] at Lukas [k].
Dala marahil ng labis na entusiyasmo ng mga
mananagalog, nabuo ang panulat na kitang-kita ang
katangiang restriktibo. Halos nabalik tayo sa
baybayin. Hindi na natin maisulat sa sarili nating
wika ang ating mga pangalan.Hindi na mayakap ng
ating wika, sa pormang nakasulat, ang pagkasamot-sari
ng etnisidad na Filipino. Ang “Luzon” at “Rizal” ay
naging mga exception na lamang imbes na bahagi ng
tuntunin sa pagbaybay. Parang naging wikang dayuhan
ang mga pantanging tulad ng “Ifugao” at “Ivatan” sa
halip na dangal ng mahaba nating kasaysayan. Anupa’t
hindi lamang sa napasaisantabi ang marami sa ating
kababayan, kundi nahihiwalay din mismo ng nakasulat
na wikang batay sa atavistikong abakada. Hindi nito
makayang katawanin ang buo nating kabansaan, taliwas
sa katotohanang ang wika ang diwa ng sambayanan.
Nakita natin sa atin mismong karanasan na sangkot sa
suliranin ng wika hindi lamang ang ilang grammarian,
linguist, o guro kundi ang buong lipunan. Kung hindi
tatanggapin ng karaniwang Filipino, walang magagawa
kahit ang may pinakamabuting intensiyong planong
pangwika. Nakita rin natin na napakahalagang
konsiderasyon sa mga pagbabago sa ortograpiyang
Filipino ang katangi-tangi nitong paraan ng pagbubuo
ng salita gamit ang mga panlapi.
Ngayon heto na ang alpabetong Filipino,
kinakanta-kanta ng mga mag-aaral sa primarya sa
buong bansa. Ito’y pagkilala ng Komisyon sa Wika na
nahaharap na naman tayo sa malaking pagbabago sa
kasaysayan. Ang mga pagbabagong ito ay may dalawang
pangunahing aspektong nakaiimpluwensiya sa isa’t isa:
internal at external. Sa loob ng ating lipunan mismo,
nagkaroon ng pagbabago sa konsepto ng pamamahala
mula noong Rebolusyong EDSA ng 1986. Sa anumang
gawaing panlipunan ngayon, malakas na ang tuon sa
demokrasya, karapatan ng tao, rehiyonalismo at
etnisidad. Nadagdagan ang papel ng civil society
habang mas inuusig ang tradisyonal na papel ng
sentral na pamunuan. Mula sa labas, nasaksihan naman
natin ang kamangha-manghang pag-unlad ng siyensiya
at information technology.
Ano ngayon ang papel na dapat gampanan ng wikang
Filipino sa harap ng malalaking pagbabagong ito?
Kung sa mga dantaong nagdaan, hindi ito hinayaang
mapariwara ng ating mga ninuno bagkus ay pinaunlad
at pinaangkop sa tawag ng panahon, may katwiran ba
ang ating henerasyon ngayon na mag-iba ng tungkulin?
(Sa panahong ito ng globalisasyon at internet,
nakikita natin ang mga Tsino, Hapon, Thai, Espanyol,
Franses, Aleman na natural lamang na nagpapabrika ng
computer at nagdedevelop ng program sa kani-kanilang
wika. Sa pamamagitan ng mga computer at programang
ito, lumilikha sila ng sanlibo’t sanlaksang consumer
at capital goods na bumabaha sa ating pamilihan.
Kinukonsumo natin ang kanilang mga produkto kahit
hindi natin naiintindihan ang lengguwaheng nakasulat
sa mga etiketa nito. Ginagamit nila ang kanilang
talino para tumubo. Ginagamit natin ang ating utak
para mas gustuhin ang imported.)
Lengguwahe ng “Karaniwang Filipino”
Nabanggit natin sa itaas na ang anumang wika ay
dapat na maging katanggap-tanggap sa “karaniwang
Filipino.” At magiging katanggap-tanggap ito kung
makikitang naglilingkod sa kaniyang interes. Sino
nga ba ang “karaniwang Filipino”?
Siya ba ang magsasaka sa bukid? Ang vendor sa
bangketa? Ang istambay sa kanto?
Mula sa punto de bista ng ekonomista, ganito ang
sabi ni Cayetano W. Paderangga Jr.:
The “average Filipino”… would be the “weighted
average” of Filipinos from all social, geographical,
economic, and other classes. [He] is a
multidimensional agent, i.e. a consumer, saver,
entrepreneur, and worker across all
output sectors (1997 Faculty Conference Report,
Subic Bay: 1997, 28).
Sa pagtinging ito, ang “karaniwang Filipino” ay
hindi ang “least common denominator” kundi ang
“weighted average.” Hindi ang pinakatamad sa lipunan,
kundi ang pinagsamang pinakatamad at pinakamasipag.
Ang patapon at ang may pinakamataas na potensiyal.Sa
paglalapat ng depinisyong pang-ekonomiyang ito sa
larangang pangkultura, hindi lamang ang mangmang ang
kabilang kundi pati ang henyo. Hindi lamang ang
nakapila sa Pera o Bayong kundi ang nasa Battle of
the Brains at iyong mga nag-ipon para makapanood kay
Pavarotti.
Professor sa unibersidad at titser sa kindergarten;
manggagawa, entrepreneur at kapitalista; manunulat
at mambabasa; pintasero at pinipintasan. Sa
kani-kanilang sirkulo, may ginagamit silang
eksklusibong salita at parirala na hindi
naiintindihan ng kabilang grupo. Pero sa kabuuan,
kapag may mahahalagang isyung kinakaharap ang bayan,
nagkakatagpo sila, nag-uusap at nagpapahayag ng
opinyon sa radyo at telebisyon sa pamamagitan ng
wikang Filipino. Tingnan na lamang ang mga pag-uusap
ng iba’t ibang panig hinggil sa mga problema sa
Palawan, Basilan, at Sulu at ilang bahagi ng
Mindanao.
Naniniwala ang kalihim ng DECS, si Dr. Andrew
Gonzales, na 98% ng mga Filipino ang nakauunawa ng
Filipino. Ayon naman kay Senador Blas Ople, ang
ating wikang pambansang salig sa Tagalog ang
pangwalo sa lahat ng wikang ginagamit sa mga
sambahayan sa America, higit sa German, Italian, o
French. Ito rin aniya ang isa sa mga wikang
maririnig sa mga public address system na
nagpapatalastas ng mga produkto sa Saudi Arabia,
Bahrain, at Dubai. Nagkaroon ng survey ang Social
Weather Station noong 1998 na nagtanong sa
representatibong pambansang sampol kung saang
lengguwahe nila mas gustong nasusulat ang mga
textbook sa primarya. Open-ended ang tanong, at “49%
of the respondents answered Tagalog, 31% said that
it should be Tagalog and English, and 20% said that
it should be English” (Mahar Mangahas, “People
prefer teaching in Filipino” Manila Standard, May
28, 1999, Opinion page).
Anupa’t ang Filipino nga ang wika ng karaniwang
Filipino, ang ating lingua franca at pambansang wika.
Lingua Franca at Wikang Pambansa
Sa isang lathalain kaugnay ng paggamit ng bernakular
sa edukasyon na inilathala sa Paris noong 1953,
inilarawan ng UNESCO ang lingua franca na “a
language used habitually by people whose mother
tongues are different in order to facilitate
communication between them” (sinipi sa Ronald
Wardaugh, An Introduction to Sociolinguistics, 1986,
55). Ayon kay Wardaugh, kung minsan ay tinatawag din
itong trade language, contact language, o auxiliary
language. Tsino ang lingua franca sa East Asia (pansinin
ang top ten sa MTV Asia). Lingua franca ng daigdig
ang Ingles ngayon, at ang Latin noon.
Tinatawag ding lingua franca ng Filipinas ang
Filipino. Pero higit pa sa simpleng talastasan
lamang o pantulong sa kalakalan ang papel nito.
Hindi ito basta contact o trade language.
Ang Filipino ang wikang hindi lamang sa tabloid at
komiks mababasa. Matutunghayan din ito sa mga walang
kamatayang panitikan ng nakaraan, o sa mga tula at
nobelang pam-Palanca o pan-Sentenyal ng kasalukuyan,
at sa salin ng mga classics ng pandaigdigang
panitikan. Ito ang wikang hindi lamang nakasulat sa
mga polyeto ng mga kandidatong politiko at sa
patalastas ng mga produkto. Ito rin ang wika sa mga
aklat na nagbibigay kahulugan sa esensiya ng
katarungan, kabuhayan, batas at pamamahala. Ito ang
wikang hindi lamang nagpapahayag ng lahat ng tindi
ng pag-ibig, galit, tuwa at lungkot. Ito rin ang
wikang nakapag-papaliwanag ng pinakamaliit na
detalye ng paggalaw ng atom at pag-expand ng
universe (tulad ng mapapatunayan sa proyektong
textbook ng UP-SWF).
Sa maikling salita, ito ang wika ng namumukod na
katangian, kaakuhan, kabansaan ng mga mamamayan ng
Filipinas. Iyan ang mas malalim na dahilan kung
bakit natin ito tinatawag na wikang pambansa.
Kung ganito kalaganap ang wikang Filipino sa loob at
labas ng ating bansa, kung may malawak na kinalaman
ito sa kung ano-anong larangan ng buhay, hindi
maaaring hindi ito isinusulat.
Kung ano ang bigkas, Siyang sulat?
Isinasaad ng Kautusan ng DECS na “kung ano ang
bigkas ay siyang sulat, at kung ano ang sulat ay
siyang basa.” Sa ibang salita, kung papaano ang
bigkas, ito ang baybay kaugnay ng ortograpiya; at
kung papaano ang sulat, ito ang bigkas kaugnay ng
ponetika. Magandang tuntunin ito bilang panimulang
hakbang sa pagsasatitik ng oral na wika. Pero isa
itong ideal na napakahirap matupad sa kalaunan ng
kahit na anong wika.
Puwede nating sabihin na ang alituntunin sa itaas
ang sinunod ni Antonio Pigafetta, chronicler ni
Magellan, nang tangkain niyang iromanisa o ilatinisa
ang mga salita sa Sugbuhanon. Tingnan natin ang mga
sumusunod na halimbawa (sa XXXIII Blair & Robertson,
188-89):
Boho (buhok), matta (mata), chilei (kilay), nipin (ngipin),
Dilla (dila), sico (siko), coco (kuko), pusut (pusod),
Vtin (uten), licud (likod), tuhud (tuhod), ilon (ilong),
Hanggang ngayon, 479 taon na ang nakararaan,
maiintindihan pa rin nating mga Filipino ang mga
tinutukoy sa bokabularyo ni Pigafetta. Bagama’t
maayos naman ang ginawa niya, may sumusulpot na
katanungan dito: Sino ba ang bibigkas at sino ang
susulat? Nagsasalita noon ang katutubong Sebwano,
isinusulat naman sa bulgar na Italyano sa halip na
edukadong Latin, ni Pigafetta. Ang bulgar na Latin,
kaipala, ay binibigkas nang iba-iba sa iba-ibang
lugar ng sinaunang daigdig (Wardaugh, 55).
Buti na lamang at hindi na natin isinusulat ang
ating mga salita sa napakakrudong paraang
bigkas-sulat ni Pigafetta. Pihado kong hagalpakan
ang mga Sebwano kapag binibigkas na nila ang mga
sinulat nilang salita. Kahit papaano’y may sinusunod
na tayong higit na aral na ortograpiya angkop sa
ating gramatika at katanggap-tanggap sa karaniwang
Filipino, kahit magkaminsan ay kinakailangan itong
pagbalikang-suri at mag-adjust.
Hindi lamang sa Latin, kundi sa kahit na ano pang
phonetic alphabet, ang nalilikhang nakasulat na anyo
ay simbolo ng salita na gabay sa pagbigkas. Dahil sa
paglakad ng panahon at heograpikong paglawak ng wika,
nagkakaroon ng magkaiba at magkahiwalay na dinamika
ang pag-unlad ng nakasulat at ng binibigkas na wika.
Hindi pa tinitingnan diyan ang panloob na
kadahilanan sa bawat indibidwal tulad ng galaw ng
masel ng dila ayon sa utos ng hypoglossal nerve ng
medulla oblongata, at kung ano-ano pang
konsiderasyon!
Higit na nakararaming literate na tao sa mundo
ngayon ang may wikang nakasulat na kung babasahin ay
binibigkas sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang
lugar. Kunin lamang ang suma total ng mga marunong
ng Ingles, French, Arabe, Espanyol at Tsino, at
makikitang lampas na ang bilang nila sa dalawang
katlo ng populasyon ng mundo.
Matagal nang nawari ng mga Tsino, na may
pinakamahabang nakasulat na kasaysayan at may wikang
may pinakamaraming nagsasalita, na iba ang bigkas,
iba ang sulat. Ideogram at hindi alpabeto ang
inimbento nilang sistema ng pagsulat na tinatawag
ngayong kanji (o hanzi, Chinese characters). Pareho
ang kanji sa Tsina, Korea at Hapon pero ibang-iba
kung basahin ng mga taong ito. At kahit sa hanay ng
mga Tsino mismo, kahit iisang set lamang ng
character ang ginagamit sa pagsulat ng mga taga-Beijing,
taga-Shanghai at taga-Canton, hindi sila
magkakaintindihan kung hindi sila magpapakitaan ng
sulat at babasahin lamang nila iyon sa kani-kanilang
diyalekto. O kahit pa sa iisang probinsiya lamang,
tulad halimbawa ng Fujian, hindi maiintindihan ng
binatang taga-Fuzhou ang dalagang taga-Amoy, kahit
parehong tinatawag na Fookienese ang kani-kanilang
diyalekto, hangga’t hindi sila magsusulatan sa
kanji, o kaya’y gagamit ng pambansang wikang
Mandarin na nakabatay sa diyalektong Beijing. Sa
ibang salita, nagkakaintindihan sila sa sulat, hindi
sa bigkas. Isang porma ng ideogram na mas pamilyar
sa atin ang Hindu-Arabic numeral. Iba-iba ang basa
ng iba’t ibang bansa sa mga simbolo ng numero pero
iisang idea lamang ang kinakatawan ng mga iyon.
Hinding-hindi ko iminumungkahi dito na gumamit tayo
ng nasusulat na sistemang katulad ng kanji. Bagama’t
ipinagmamalaki ng mga taga-Silangang Asia ang
kanilang kanji, sila rin mismo ang magsasabi na
napakakomplikado ng kanilang sistema ng pagsulat.
Pero may mga ginagamit din naman tayong mga Filipino
na nakasulat na wikang hawig sa gamit ng ideogram,
ang ating mga akronim. Halimbawa nito ang “PNU” na
maaari kong basahing “Pamantasang Normal ng
Pilipinas.” Pero hindi ko maiuugnay sa pamantasang
normal, kundi sa kapulisan, ang mas tama sanang
abrebiyasyon nitong “PNP.” Bagama’t may simbolong
hindi gaanong salamin ng konseptong sinisimbolo,
natu-tutuhan naman natin iyon. Hindi ko sinasabing
ideal na sistema ng ortograpiya ang nangyari sa
French o Ingles. Ang sinasabi ko lamang, mas
maraming tao sa mundo ang hindi gumagamit ng
alituntuning “bigkas/sulat.”
Sa ano’t anuman, totoo din ang paghiwalay ng bigkas
at sulat maging sa Espanyol, na may ortograpiyang
halos bigkas/sulat ang tuntuning mahigpit na
sinusunod sa ortograpiya, at may nagpapasunod na
akademya. May malaking kinalaman diyan ang
heograpiya at pagtakbo ng panahon. Halimbawa’y ang
letrang ekis. Alam nating “ha,” “he” at “hi” ang
bigkas, kahit nakikita nating “x” ang nakasulat sa
tradisyonal na ispeling ng mga pangalang tulad ng
Roxas, Xerex at Mexico, habang may gumagamit na rin
naman ng pormang Rojas, Jerez at Mejico. Natatandaan
ko pa noong aking kabataan, noong sapilitang pa ang
24 yunit ng Espanyol. Parang may sasabog na
generational war noon sa University College dahil
may mga kabataang guro na nag-aral sa Mexico na
nagsabing “shjo” ang bigkas ng “yo” (ako),
samantalang iginigiit ng matatanda na “io” pa rin
ang tamang bigkas. Hanggang sa maghari ang hinahon
at maipaliwanag na ang “io” sa Madrid ay halos
“shjo” sa America Latina. Gawa ng agwat na
heograpiko na naragdagan ng national at ethnic
pride, nagkaiba ang bigkas. Gaya ng Latin ng unang
panahon at Ingles ng kasalukuyan, gayon din naman
ang Espanyol. At maidagdag na, ganiyan din sa
Filipino.
Binubuo ang ating bansa ng maraming komunidad na
etniko, rehiyonal, at lingguwistiko. Maipagmamalaki
ng bansa ang mayamang kaligirang pangkulturang ito
sa tuwinang makaririnig tayo ng Kasilag, Abelardo,
Ryan Cayabyab, o Parokya ni Edgar; manonood ng
Filipiniana, Bayanihan, o Ramon Obusan; tumitingin
ng Luna, Manny Baldemor, o Imao; humahanga sa vinta,
sa pay-yo, at sa San Agustin. Hindi ba maaari ring
salaminin ang kayamanang pangkulturang ito sa ating
nasusulat na wika?
Tanggap na natin na mula sa tatlong patinig ng
baybayin, nagkaroon tayo ng limang patinig sa
romanisadong Filipino, ang a, e, i, o, at u.
Gayunman, sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, o kahit
sa iba’t ibang lugar ng iisang rehiyon, iba’t iba
ang bigkas sa limang patinig. Ang “w,e,n” sa Ilocano
ay maririnig na “wen” “wen” o “win.” Ang “e” sa
Tagalog ay maaaring “e” sa Maynila, “ei” sa Batangas,
“e” sa Rizal o “ai” sa Subic. Ang “o” ay bigkas
Ingles sa Ilocano, bigkas Espanyol sa Tagalog, at
tila pinagsamang maikling “o” at maikling “u” sa
Sebwano. Sa tatlong wika pa lamang, may 12 nang
bigkas sa limang patinig.
Mayroon ding iba-ibang bigkas ng katinig sa mga
rehiyon. Pakinggan na lamang ang pagkakaiba ng
bigkas-Sebwano sa lungsod at sa nayon ng salitang
“balay” o ang natatanging bigkas ng mga Aklanon sa
“l” at “r.” Kapag sinabi nating “kung ano ang bigkas,
siyang sulat,” aling rehiyon ang susunding bigkas,
aling rehiyon ang susulat? Konsiderasyong rehiyonal
pa lamang iyan. Mayroon ding konsiderasyong sosyal.
Anong antas ng edukasyon ang dapat na inabot ng
bibigkas, anong antas ang sa susulat? Kung susundin
natin ang depinisyon ng “karaniwang Filipino” sa
itaas, ang least common denominator kung ispeling
din lamang ang pag-uusapan ay hindi ang may
pinaka-mababang antas ng pag-iisip, hindi ang
pinakapaslit sa lahat ng paslit.
Pinatutunayan ng karaniwang Filipino na hindi siya
malilito, hindi siya mahihirapan, sakali ma’t hindi
iisa ang bigkas ng bawat letra. Hindi siya bobo
kompara sa ibang nasyon. Kaya niyang matandaan ang
iba’t ibang tunog ng isang letra depende sa
pagkakagamit.
Tingnan na lamang ang pagbibigay natin ng pangalan
ngayon. Hindi na lamang problema sa paggamit ng “J”
o “H” o “S” sa Juan kundi paggamit na ng “J” na may
iba’t ibang tunog, tulad ng Jasper, Jannah at
Juvenal. Lumalayo na sa kinagawiang tradisyon ng
pagbibinyag ayon sa listahan ng mga pangalang
Katoliko sa pormang Espanyol o Ingles, may bagong
kultura na ngayong paghalo-haluin ang pangalan ng
mga magulang, biyenan, kamag-anak, kumare, kumpare,
kaibigan, lugar, pangyayari, at mga karanasan.
Makikita natin ang mga pangalan, tulad sa aking
class record, na tulad ng Odnerolf, Elsbeth,
Emmabelle, Jhonamyr, Al Kaizan, at Grazzielle. Mga
pangalan iyang tangi sa Filipino, sinulat sa paraang
tanging Filipino lamang ang gagawa, at dapat lamang
na maipakita sa ortograpiya ng wikang Filipino.
Hindi lamang sa ginagamit ng karaniwang Filipino ang
mga letra na may iba’t ibang katumbas na bigkas,
tiyak ko ring pinaghihirapan ng mga magulang ang
“dating” na estetiko ng nasusulat na pangalan ng
kanilang anak. Sa tingin ko, sapat na ang
kasalukuyang alpabetong Filipino. Hindi na
kailangang magdagdag pa ng kung ano-anong simbolo sa
bawat tunog na mamumutawi sa labi ng lahat ng
Filipino.
Nag-aambag ang kaalaman ng karaniwang Filipino sa
ispeling Ingles upang magkaroon ng kaisipan na dapat
maganda sa mata ang baybay ng mga salita. Hindi na
problema kahit ng mga batang Filipino na puwedeng
palitan ng katunog na letra ang mga binabanghay na
salita. Halimbawa,
k, c sa joke/ jocular (L. jocus)
b, ~b sa number/ numerous (L. numerus)
v, p sa perceive, perception
c, t sa Venice, Venetian; at higit sa lahat
ph, f sa Philippines, Filipino
Kapag sinasabing “maganda sa mata” ang porma ng
nakasulat na salita, tinutukoy din natin na hindi
kinakailangang ibuka pa ang bibig kapag nagbabasa
nang mabilisan. Di maihihiwalay na bahagi ng
intelektuwalisasyon ng wika ang pagbabasa nang
matahimik sa paraan ng silent reading at speed
reading.
Sa lahat ng mga halimbawang nabanggit, nakikita
natin ang papel ng civil society sa pagtimbang ng
kung ano ang maganda o hindi sa ispeling na
Filipino. Mahihirapan ang anumang linguistics
department o kagawarang Filipino ng kahit na
pinakaprestihiyosong unibersidad na magpilit ng
estilo ng ispeling batay sa “bigkas/sulat” ng iisang
sentro. Hindi akademyang pangwika tulad ng sa
Pranses o Espanyol ang hinahanap ng mga Filipino. Sa
karaniwan ay ayaw ng Pinoy na basta sumunod sa
sentralisadong pamumuno.
Ngayon, balik tayo sa mga salitang ginagamit sa
makabagong teknolohiya at telekomunikasyon, na sa
katunaya’y hiram natin sa mga anyong Ingles—x-ray,
xerox, fax, xylophone at hitchhike—sa ganang akin ay
maganda pa ring sundin ang alituntunin ng Surian na
inisyu ng CHED. Pero dapat magkaroon ng bahagyang
inobasyon. Mas magiging maganda siguro sa mata kung
aalisin na ang hyphen na maghihiwalay sa panlapi at
sa salitang hiram na isinulat sa orihinal (malamang
Ingles) na ispeling. Alisin na rin natin ang
salungguhit. Ang mangyayari, magxerox, magfax;
ifinax, ixinerox.
Mula sa bentahe ng iba’t ibang disiplina, tumingin
tayo sa sarisaring karanasang pangwika dito sa
Filipinas at sa ibayong dagat upang makakita ng
konsepto tungo sa pinag-isang pamamaraan ng pagsulat
sa Filipino, batay sa espisipiko at namumukod na
katangian ng ating wika, lahi, at kabihasnan. Sa
gayon, tayo bilang isang bansa, ang karaniwang
mamamayan kasama ang mga dalubhasa sa wika, ay
mabilis nang makakikilos tungo sa higit na
intelektuwalisasyon at siyentipikasyon ng Filipino,
ang ating tunay na wikang pambansa, ang ating
intelektuwal na kaakuhan.
MORE PAGES:
|
|