|
|
|

HOME
|
|
Ang Wika
ng Karunungang Filipino
(By: Virgilio S. Almario)
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
OTHER
INTERESTING ARTICLES |
|
|
|
|
|
|
|
Tuwing ipagmamalaki ni
Senador Blas F. Ople ang kahalagahan ng wikang
pambansa, malimit niyang banggitin ang naging
pangangailangan sa isang Shakespeare upang kilalanin
ang Ingles, sa isang Dante upang maging wika ng
buong Italya ang wika ng kanyang Commedia, o sa
isang Alexander Pushkin upang igalang ang wikang
Ruso sa kaniyang bansa. Tagapagdiin siya ng paniwala
na napakalaki ng tungkulin ng dakilang mga akda
tunggo sa paggalang at pagtanggap sa isang wikang
katutubo upang piliing wika ng isang bansa mula sa
hanay ng kalipunan ng iba pang wikang katutubo. Ito
halimbawa ang saloobin ng kaniyang pahayag na
Chaucer ng Tagalog si Balagtas.
Kung sa bagay, panitikan ang pinakasukdulang patotoo
ng pag-unlad ng isang wika. At tiyak na masasabing
inihatid ni Francisco Balagtas ang wikang Tagalog sa
isang karurukan, sa pamamagitan ng 'Florante at
Laura.' Ginampanan niya sa wikang Tagalog ang
paglilingkod ni Chaucer sa wikang Ingles. Katulad ni
Chaucer, ang mahusay na pagkasulat ni Balagtas sa
Florante at Laura ay makatatawid sa lahat ng balakid
at mga suliranin ng wikang Tagalog.
Gayunman, alam natin mula sa kasaysayan ng mga
wikang pambansa sa buong mundo na may iba pang mga
kondisyon at pangangailangan upang lubusang
tanggapin at lumaganap ang isang wikang pambansa.
Isa dito ang pagiging wika sa makapangyarihang mga
larang ng lipunan. Totoo na kahit pagkatapos ni
Balagtas ay maraming sumunod pang mga dakilang
manunulat, mula kina Bonifacio, Jacinto hanggang
kina Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus,
Hermogenes Ilagan, Julian Cruz Balmaseda, Iņigo Ed.
Regalado, at napakahabang listahan na luminang sa
Tagalog bilang makabuluhan at mabisang wika ng
panitikan. Ngunit hindi sila binabasa ng mga
mayayamang negosyante at makapangyarihang mga
politiko. Nagdedebate sa Ingles ang mga mambabatas
sa Kongreso at nililitis sa tulong ng Ingles ang mga
kaso mula sa pinakamababa hanggang sa kataas-taasang
hukuman ng Filipinas. Hanggang ngayon, Ingles ang
namamayaning wika ng karunungan. Maliban sa mga
aklat sa pagtuturo ng Filipino at araling panlipunan,
nakasulat at pinag-aaralan sa Ingles ang mga textbuk
sa mataas na antas ng edukasyong Filipino.
Ito ang realidad na laging inuukilkil ni Dr.
Bonifacio Sibayan upang laging ibimbin ang kaniyang
propesiya sa totohanang pagkilala sa Filipino bilang
wikang pambansa. At ito rin ang pangunahing sandata
ng mga Inglesero upang ipagmalaking mahirap
mapantayan man lamang ng wikang Filipino ang
tungkulin ng Ingles sa lipunang Filipino. Hanggang
di nagbabago ang sitwasyon, alinsunod sa analisis ni
Dr. Sibayan, hindi dapat madaliin ang pagsasa-Filipino
ng pagtuturo. Sa halip, dapat pang hintayin ang
mahabang panahon upang matupad ang kanyang hula na
magtatagumpay ang Filipino pagkatapos ng isang siglo
na kung sisimulan sa 2000 ay nangangahulugan ng
katuparan sa 2100.
Para sa mga tulad ni Dr. Sibayan, dapat nang matuwa
ang mga makawikang Filipino sapagkat sandaang taon
na lamang ang dapat ipaghintay bago sila magtagumpay.
Ngunit may ipokrisya sa likod ng naturang propesiya.
Ipokrisya itong tahimik sa hanay ng mga politiko at
edukadong nagkukunwaring hindi kaaway. Ipokrisya
itong talamak sa hanay ng mga politiko at edukadong
nagkukunwang hindi kaaway ng wikang pambansa. O kung
tutuusin, ito ang ipokrisya ng buong burukrasya at
mataas na lipunang nais lumitaw na hindi
sumasalungat sa tadhanang pangwika ng Konstitusyong
1936 hanggang Konstitusyong 1987 bagaman higit na
makiling sa pananatili ng kasalukuyang kalagayan
dahil sa higit na makikinabang sa patututuloy na
pananaig ng Ingles. At mga edukadong ito ang patuloy
na nagsasabing hindi sapat ang kahandaan ng
sambayanan para sa Filipino samantalang ibinabandila
ang pakinabang sa Ingles.
Kaya't maitatanong: Ano ba ang kanilang ginawa upang
malunasan ang sinasabi nilang limitasyon ng wikang
Filipino? Ano bang programa ang itinaguyod ng tulad
ni Dr. Sibayan upang mapabilis ang hinuhulaan niyang
panahon ng transisyon mula sa status quo tungo sa
malawakang paggamit ng wikang Filipino? Ano bang
dagdag na badyet ang idinulot ng mga politiko bilang
wika ng akademya?
Umunlad ang Filipino at patuloy na lumaganap, ngunit
sa kabila ng kawalang-malasakit ng mga opisyal ng
pamahalaan at pagwawalang-bahala ng mga mayaman,
makapangyarihan at nakapag-aral sa Filipinas. Kung
naging dibdiban ang pagplaplanong pangwika sa likod
ng Surian ng Wikang Pambansa (o ng Komisyon sa
Wikang Filipino ngayon) at kung nagkainteres man
lamang ang mga opisyal ng DECS at CHED upang
linangin ang wika bialng wika ng akademya, marahil
higit na malayo na ang pagsulong at tagumpay ng
wikang pambansa.
Filipino sa U.P.
May mga progresibong palantandaan sa Unibersidad ng
Pilipinas. Dito lamang may maipagmamalaking
Patakarang Pangwika na tumatangkilik sa wikang
Filipino at inaprobahan ng Board of Regents nito
noong 1989. Sinundan ito pagkatapos ng pagtatayo ng
Sentro ng Wikang Filipino sa ilalim ng opisina ng
Pangulo ng U.P. Nagtakda ang Sentro ng mga target na
taon upang simulan ang paggamit ng wikang Filipino
sa mga klase sa iba't-ibang disiplina at realista
ang iba't ibang programang target para sa mga kampus
sa Diliman, Los Baņos, Maynila, at Kabisayaan.
Ngunit nagdaan ang administrasyon ni Pangulong Jose
Abueva nang walang nasunod sa alinmang target ng
Sentro. Ang sitwasyong ito ang pinaglimian namin ni
Pangulong Emil Q. Javier nang hirangin niya akong
direcktor ng Sentro. Natukoy namin ang dalawang
malaking suliranin sa pagpapairal ng isang
patakarang pangwikang maka-Filipino sa loob at labas
man ng U.P. Una, nangangailangan ng mga babasahin at
gamit panturo sa Filipino, lalo sa mga larang ng
agham, matematika, at teknolohiya. Ikalawa,
nangangailangan ng pagkakasundo sa uri ng Filipino
na palalaganapin sa unibersidad, ang ibig sabihin,
ang uri ng Filipino na magiging modelo ng wikang
panturo at wika ng pag-aaral.
Malinaw sa unang nabanggit na suliranin ang
pagkaligta sa pagdevelop ng mga babasahin, lalo na
ang textbuk, para magamit sa mga silid-aralan. Sa
kabila ng pagbanggit sa bagay na ito sa mismong
antas para sa programang bilingguwal sa edukasyon
tungo sa pag-iral paglaon ng wikang Filipino at
waring nilimot ang ganitong paghahanda ng mga
opisyal ng DECS at ng buong pamahalaan. Sa kabila ng
ulit-ulit na pagtuligsa sa bagay na ito ng mga
anti-Filipino, hindi nagising ang Surian (at
hanggang ngayon, ang Komisyon sa Wikang Filipino) sa
napakalaki at napakahalagang pangangailangang ito.
Sapagkat paanong gagamiting panturo sa agham ang
Filipino kung walang magagamit man lamang na kahit
isang textbuk? Dapat bang lumikha lamang ng naturang
textbuk kapag may desisyong nang gamitin ang
Filipino sa pagtuturo ng agham?
Sa kabilang dako, hindi maipagkakaila na nalilito
kahit ang mga guro ng Filipino sa nagbabanggaang mga
panukalang uri at anyo ng wikang Filipino sa
kasalukuyan. Pagkatapos baguhin ang pangalan ng
wikang pambansa mula "Pilipino" tungo sa "Filipino"
at repormahin ang alpabeto tungo sa pagkakaroon ng
28 titik, dapat lamang asahan ang pagsulpot ng mga
haka at panukala upang makaahon ang wikang pambansa
mula sa kumunoy ng "purismo" at makaagpang sa mga
hamon ng intelektuwalisasyon. Hindi rin maikakaila
na may aktibong pangkat sa unibersidad na may
reputasyon sa pagsusulong ng tinatawag na "U.P.
Filipino" na tiyaking salungat sa paraan ng paggamit
sa alpabetong may 28 titik na binuo ni Dr. Alfonso
Santiago at siyang pinalalaganap ng Komisyon. Dapat
ding banggitin na may pinairal na stylebook ang De
La Salle University Press at ginagamit ito sa mga
limbag na aklat sa Filipino. Samantala, patuloy na
sinusunod ng Liwayway at mga malaganap na tabloyd (maliban
sa Abante) ang lumang paraan ng pagbaybay na may
alapabetong 20 titik.
Iba't-ibang kampanya ang inilunsad ng Sentro noong
1993 upang harapin ang dalawang naturang pangunahing
suliranin. Halimbawa, inilunsad ang timpalak Uswag
UP Visayas at Timpalak Iluminado Lucente gayundin
ang mga Gawad Lope K. Santos at Cecilio Lopez, at
nagkaroon ng mga buwanang simposyum pangwika sa
iba't ibang kolehiyo ng U.P. Layunin ng mga gawaing
ito ang pagpapasigla at pagpapalawak ng pagkilos
para sa Filipino sa loob ng Sisteman U.P. Nag-ukol
din ng panahon at salapi ang Sentro para sa mga
saliksik pangwika, gaya ng pagtitipon sa mga
terminong pangkultura mula sa iba't ibang wika,
pagsasagawa ng survey hinggil sa estandardisasyon ng
mga katawagang pang-akademya, at pana-panahong
Bantay-Wika o pagsusuri sa pamamagitan ng computer
sa bokabularyong ginagamit sa mga malaganap na
peryodiko.
Gayunman, pinakatuon ng estratehiyang pangwika ng
Sentro sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong
Javier ang tatlong malaking proyekto: (1) Sangfil,
(2) Aklatang-Bayan, at (3) U.P. Diksyonaryong
Filipino.
Itinatag ang Sangfil (Sanggunian ng mga Unibersidad
at Kolehiyo sa Filipino) bunga ng isang maghapong
pulong noong Oktubre 26, 1994 na dinaluhan ng mga
kinatawan ng Kagawaran ng Filipino mula sa DLSU,
Ateneo de Manila, Miriam, PNU, PUP, at UP. Nadagdag
pa sa mga sumunod na mga pulong ang FEU at CEU bago
idinaos ang kongreso ng pagtatatag noong Agosto
10-11, 1995. Sa ikaapat na pambansang kongreso ng
Sangfil, umaanot na sa 100 ang kasaping paaralan
mula sa iba't ibang rehiyon.
Nang pangunahan ng Sentro ang pagbuklod sa Sangfil,
napapatnubayan ito ng layuning pabilisin samantalang
pinalalawak ang pag-uusap sa mga maselang isyung
pangwika sa loob ng akademya. Isang forum ang bawat
pulong at kongreso ng Sangfil upang mapanday ang mga
tuntuning pangwika sa paraang demokratiko at sa
pamamagitan ng konstruktibong konsensus. Kamakailan,
inilathala ng Sentro ang bagong sangguniang aklat sa
gramatika na bunga ng pinagbuklod na sikap ng mga
kinatawang guro sa Sangfil. Inaasahan na higit pang
magiging produktibo ang Sangfil habang tumitiim ang
pagkakaisa ng mga kinatawang guro mula sa iba't
ibang kolehiyo at unibersidad. Nagiging epektibong
sanggunian din ang kongreso upang maipahayag o
maitanghal ang mga isyu't suliraning partikular sa
mga rehiyon at lokalidad.
Ang Aklatang-Bayan ang unang ambisyosong programa sa
paglalathala ng mga textbuk at sangguniang aklat na
nakasulat sa wikang Filipino. Sa simula, nakatuon
lamang ang programang ito sa seryeng Aklat Paraluman
-mga textbuk at sangguniang aklat sa agham at
matematika, at sa seryeng Aklat Bulawan - mga
importanteng akda noong panahon ng kolonyalismong
Espanyol na kailangan sa pagsasaliksik pangwika at
pampanitikan. Ngunit lumawak na ngayon ang bisyon ng
Aklatang-Bayan upang tunay na makabuo ng isang
koleksiyon ng mga akda at aklat na nakasulat o
nakasalin sa Filipino, sumasaklaw sa lahat ng
disiplinang akademiko, at para sa mga guro't
mag-aaral sa hay-iskul at kolehiyo.
Sagot ang Aklatang-Bayan sa sinasabing dahop na
kalagayan ng mga babasahin sa Filipino at
pagtalimuwang sa naghaharing paniwala na mahirap
gamitin ang Filipino sa mga disiplinang
nangangailangan ng siyentipiko at modernong
pagsusulat ng mga textbuk upang ilahok ang mga
propesor mula sa iba't ibang autonomong yunit at
magkaroon ng kabuluhan ang bawat aklat para sa buong
Sistemang U.P.
Ang "U.P. Diksiyonaryong Filipino" ang ikatlong
kasangkapan upang tuluyang masalungat ang mga
prehuwisyo at tuligsa laban sa wikang Filipino at
maitanghal ang kakayahang pambansa at intelektuwal
nito. Isang reperensiya ang "U.P. Diksiyonaryong
Filipino" sa kasaysayan ng pag-unlad ng korpus ng
wikang pambansa, mula sa sinaunang Tagalog hanggang
sa kasalukuyang lingua franca ng Metro Manila.
Dibdiban din nitong nilalagom ang mga karanasang
pambansa sa pamamagitan ng paglalahok sa iba't ibang
saliksik hinggil sa mga lengguwahe, kultura, at
katutubong kaligiran ng mga pangkating etniko sa
buong kapuluan samantalang maingat na ipinapasok ang
mga kabaguhang dulot ng bagong kabihasnan at
ipinapahayag sa mga wikang pandaigdig. Kaya sagana
ang diksyonaryo sa mga salita mula sa Sebwano,
Hiligaynon, Iloko, Bikol, Waray, Kapampangan,
gayundin sa mga terminong pangkultura mulang
Maranaw, Tausug, Kalinga, Ifugaw, at ibang wikang
katutubo. Bukod naman sa dominanteng Ingles at
nakamihasnang Espanyol, nakalikom din ang
diksyonaryo ng mga katawagan mulang French, German,
Italyano, Japanese, Russian, Tsino, Latin, Griyego,
Arabe, Hindi, at kahit na Afrikaan.
Ang totoo, nilalagom ng "U.P. Diksiyonaryong
Filipino" ang saklaw at konsentrasyon gayundin ang
mga lamat at kahinaan ng pagsisikap ng mga
manananliksik at iskolar. Sa gayon, sa pamamagitan
ng "U.P. Diksiyonaryong Filipino" ay maaring
maipaaninag ang lawak at salimuot ng karanasang
pambansa samantalang ipinamumukha sa mga edukadong
Filipino ang kanilang sariling dahop at makitid na
kaalaman. Ang ibig sabihin, hindi dahop ang Filipino
bilang wika ng akademya; sa halip, ang mga edukado
ang may napakadahop na kaalaman sa paggamit ng
Filipino.
Kaya, higit kaninuman, ang mga edukado ang
nangangailangan ng isang intelihenteng sangguniang
gaya ng "U.P. Diksiyonaryong Filipino."
*Sipi mula sa "Bulawan 4," Journal
of Philippine Arts and Culture, na inilathala ng
National Commission for Culture and the Arts.
**VIRGILIO S. ALMARIO is a poet, critic, editor, and
full professor at the University of the Philippines,
Diliman. He is the editor-in-chief for the UP
Diksiyonaryong Filipino. He is also one of the
country's National Artists in Literature.
MORE PAGES:
|
|
|
|
|
|
|

|
<<<
F R E E-
<< Click to
subscribe to Living, Retiring, Traveling, Doing Business and
Moving To The Philippines
FREE INFORMATION FROM
EXPATS, FOREIGNERS WHO TALK ABOUT LIVING IN THE PHILIPPINES,
RELOCATION HERE AND DOING BUSINESS, TRAVELING OR RETIRING IN THE
PHILIPPINES.
|
|
|
|
|
|
|
|